
Matapos ang anim na buwan, muling mapapanood ang all-original Filipino singing competition na The Clash sa bago nitong season.
Magpe-premiere ang The Clash 2025 ngayong Linggo, June 8.
Sa bagong season ng pinag-uusapang Kapuso musical competition, magbabalik ang mga dating kalahok nito mula sa past seasons, na first time mangyayari sa kasaysayan ng The Clash.
Labindalawa ang nakatakdang tutungtong muli sa Clash Arena para harapin ang 12 bagong Clashers na sina Adelle Yu, Carlos Florez, Divine Camposano, Jan Echavarria, Jayce San Rafael, Juary Sabith, Liafer Deloso, Leigh Atienza, Marian Pimenta, Mitzi Josh, Scarlet Yape, at Venus Pelobello.
Sa pilot episode ng The Clash 2025 ngayong Linggo, dito pa lang mabubunyag kung sino-sinong past Clashers ang magbabalik para ma-reclaim ang kanilang spot sa kompetisyon.
Sa huli, isa lang ang matitira at tatanghaling susunod na The Clash grand champion.
Magbabalik sina Rayver Cruz at Julie Anne San Jose bilang Clash Masters o hosts ng The Clash 2025.
Mananatiling panel naman ang orihinal na judges ng programa na sina Aiai Delas Alas, Christian Bautista, at Lani Misalucha.
Mapapanood ang The Clash 2025 tuwing Linggo, simula June 8, 7:15 p.m. pagkatapos ng Bubble Gang sa GMA.
Ang The Clash 2025 ay mula sa direksyon ni Louie Ignacio.
BAGO PA MAGSIMULA ANG BAGONG SEASON NG THE CLASH, BALIKAN ANG WINNING MOMENTS NG REIGNING CHAMP NG KOMPETISYON NA SI NAYA AMBI.