
Nagsalita na si Kelvin Miranda tungkol sa pagkilala sa kanya bilang next Alden Richards ng GMA.
Kuwento ni Kelvin sa ginanap na media conference ng The Lost Recipe, masaya na may halong kaba ang kanyang naramdaman nang maikumpara siya sa Asia's Multimedia Star.
“Nakakatuwa siyempre naihahalintulad ka sa kilala at magaling na aktor; isang malaking personalidad, pero nakakakaba kasi siyempre iba 'yung expectations 'pag sinabing Alden Richards. Iba na e. Ibang level na 'yun. Pero hindi naman ako sumusuko para i-meet 'yung expectations ng mga tao sa paligid ko.”
Inamin din ng lead star ng The Lost Recipe na masaya siya na napapansin siya ng mga tao.
“Masaya naman po, kasi kahit papaano napapansin nila ako sa ganoong paraan.”
Isa pang itinanong ng entertainment writers ay tungkol sa mga nabasa nila sa social media. Ayon sa kanila nagtataka ang netizens kung bakit si Kelvin ang napiling gumanap sa lead role bilang Chef Harvey Napoleon sa The Lost Recipe.
Photo source: The Lost Recipe
Saad ni Kelvin, “Sanay na po.”
Dugtong ni Kelvin, matagal na siyang nakakarinig ng mga hindi magagandang comments at alam niya na umano kung paano ito harapin.
“Noon pa man may mga ganoon na akong naririnig. Kaya nasasanay na po 'yung loob ko sa mga ganung feedback.”
Ayon pa sa aktor, pinapahalagahan niya ang boses ng bawat isa, positive o negative man ang mga ito.
“Natutuwa ako tulad nga ng sinabi ko kanina nailabas nila 'yung nararamdaman nila kasi ang importante naman ay marinig natin 'yung isa't isa. 'Yun ang pinakamahalaga.”
Nilinaw ni Kelvin na sinisikap niya na positibo na lamang ang mga pinakikinggan niya sa kanyang paligid para makatulong ito sa pagusbong ng kanyang career.
“Para sa akin kung ano man 'yung saloobin nila, ilabas lang nila kasi baka makasama pa 'yun sa kanila.
“Tini-take ko naman 'yun as positive kaysa masamain ko siya, mas makakasama kung iintindihin ko at titingnan ko 'yung negative side. So, ginagawa ko na lang siyang stepping stone para mas makatulong siya sa gusto kong puntahan. 'Yung negative 'yung ginagamit kong tungtungan para maabot 'yung positive.
Abangan si Kelvin Miranda sa kanyang pagganap bilang si Chef Harvey Napoleon sa kanilang tambalan ni Mikee Quintos sa The Lost Recipe mamayang gabi 8:00 p.m. sa GMA News TV.
Kilalanin ang iba pang karakter na ating mapapanood gabi-gabi sa The Lost Recipe sa gallery na ito: