
Love stories na may iba't ibang timpla ang hatid ng digital channel na I Heart Movies ngayong linggo.
Balikan natin ang bittersweet memories ng first love sa romantic drama film na The Promise nina Angel Locsin at Richard Gutierrez.
Si Angel ay si Andrea, habang si Richard naman ay si Daniel, dalawang magkababata na susubukin ng panahon ang pag-ibig.
Mangangako sila sa isa't isa na magiging matatag ang kanilang pag-iibigan, anumang harapin nilang pagsubok. Magagawa pa ba nilang tuparin ang pangakong ito sa pagpasok ng usapin ng paghihiganti, kaibahan ng estado sa buhay, at pagtutol ng kanilang mga pamilya?
Ang The Promise ang huling tambalan nina Angel at Richard kaya panoorin ito sa Pinoy Movie Date, September 10, 8:00 p.m.
Kakaibang post-apocalyptic love story ang hatid ng real-life sweethearts na sina Kim Molina at Jerald Napoles sa Ikaw at Ako at ang Ending.
Tampok dito si Jerald bilang Martin, isang lalaking nagtatago dahil pinuslit niya ang isang bag na puno ng pera na pag-aari ng kanyang boss.
Sa pagtakbo niya sa Ilocos Norte, makikilala niya si Mylene, karakter ni Kim, isang housekeeper sa hotel na tinutuluyan niya.
Magtatagal ba ang kanilang relasyon kung pugante si Martin? Ano ang naghihintay sa kanila ngayong nalaman nilang magugunaw na ang mundo?
Abangan 'yan sa Ikaw at Ako at ang Ending, September 11, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available rin ito sa iba pang digital television receivers.