
Proud si Direk Henry King Quitain sa cast ng upcoming mystery-drama series na The Secrets of Hotel 88 dahil sa kanilang dedikasyon sa kanilang mga karakter at craft.
Bibida sa naturang serye ang dating Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemates kabilang na ang big winners na sina Mika Salamanca at Brent Manalo, kasama sina AZ Martinez, Ralph De Leon, River Joseph, Klarisse De Guzman, Esnyr Ranollo, Xyriel Manabat, Josh Ford, Kira Balinger, Dustin Yu, Bianca De Vera, at Will Ashley.
Sa naganap na media con sa Dolphy Theater sa ABS-CBN Compound nitong Biyernes, February 6, ibinahagi ni Direk Henry na isa sa mga magpapabago ng usual family drama sa primetime ay ang housemates mismo.
“Ako, sa 'kin, sila (cast), sila ang magpapaiba talaga sa primetime viewing habit ng mga viewers natin,” sabi ni Direk Henry.
Sila rin umano ang magbibigay ng ibang bihis sa primetime ayon sa direktor, dahil ibang-iba ang mapapanood ng mga tao sa serye kumpara sa nakita nila sa PBB.
TINGNAN ANG ILANG BEHIND-THE-SCENES MULA SA BIG ANNOUNCEMENT NG 'THE SECRETS OF HOTEL 88' SA GALLERY NA ITO:
Nilinaw din ng batikang direktor na ang The Secrets of Hotel 88 ay multi-genre na klase ng series, bagay na nagpaiba rin sa serye kumpara sa mga nakagawian.
“It's a mixed genre. Hindi lang siya thriller, hindi lang siya mystery-suspense, there's romance, there's family drama, there's intense confrontations na mapapanood, so 'yun ang magpapaiba sa kaniya,” sabi ni Direk Henry.
Pagkukwento pa ni Direk Henry, magugulat ang mga manonood sa ipapakita ng former housemates sa serye, lalo na at kasama sa cast ang maituturing niya umanong beterano na katulad ng child stars na sina Will at Xyriel.
“Magugulat ka talaga, magugulat ka because they really worked hard for it, nag-workshop talaga sila, pinag-aralan nila ' yung mga character, so magugulat ka na they're really serious about their craft,” sabi ni Direk Henry.
Pag-amin pa ni direk, sobrang fan siya ng batch 1 ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition at tinawag niyang “happy pill” ang mga ito, “Happy pill ko 'yan everyday, everynight while doing two shows before so sobra akong amazed sa binigay nilang talento.”