
Bibida ang Kapuso stars na sina Therese Malvar at Jeric Gonzales sa pelikulang Broken Blooms na mula sa direksyon ni Louie Ignacio.
Sa Instagram account ni Therese kamakailan, ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa direktor at sa producer ng pelikula na BenTria Productions matapos mapabilang sa bagong proyekto.
Sulat ng Moscow International Film Festival 2016 Best Actress, "Maraming maraming salamat sa tiwala at gabay, direk @direklouieignacio! Super happy and grateful na ikaw yung naging director ko for this kind of role. Love you foreveeer direk! See you sa next one.
"Thank you rin kay Sr. Benjie ng BenTria Productions for making this whole project possible! Thank you rin sa lahat ng staff and crew, at sa mga aktor na kasali rito."
Dugtong pa ni Therese, "Abangan niyo po yung pelikula namin soon! Proud ako at kasali ako rito! Miss ko na agad kayong lahat."
Ibinahagi naman ni Jeric ang ilang eksena nila para sa pelikula na kinunan sa Pampanga.
Mapapanood din sa Broken Blooms sina Royce Cabrera, Boobay, Lou Veloso, Mimi Juareza, at ang first Pinoy Cannes Film Festival Best Actress na si Jaclyn Jose.
Samantala, hataw sa kani-kanilang career sina Therese at Jeric sa telebisyon.
Kabi-kabila ang guest appearances ni Jeric sa ilang programa ng GMA. Kabilang diyan ang Wish Ko Lang, kung saan mapapanood ang unang pagtatambal nila ng bagong Kapuso at Miss Universe Philippines 2020 na si Rabiya Mateo ngayong Sabado, November 27.
Tampok din si Jeric sa Regal Studio Presents: Bros Before Rose sa Linggo, November 28, kasama sina Kim Domingo at Rob Gomez.
Samantala, mapapanood si Therese sa upcoming GMA drama na Little Princess na ipalalabas sa susunod na taon.
Narito ang ilang pang fun facts tungkol kay Therese: