
Ngayong March 10, hinimatay sa gitna ng performance ang grand finalist ng Tanghalan ng Kampeon sa TiktoClock.
Napanood sa TiktoClock kung paano nawalan ng malay si Eula Bautista sa gitna ng kaniyang back-to-back tapatan performance laban kay Princess Palti. Agad na na-cut ang programa at sa pagbabalik nito ay nagbigay ng update sina Kuya Kim Atienza at inampalan na si Renz Verano.
PHOTO SOURCE: TiktoClock
Ayon kay Kuya Kim, "Mga Tiktropa kung nakita ninyo ang nangyari kanina, nagkaroon po ng emergency dito sa studio. Hinimatay ang kampeon na si Eula Bautista. Kinailangan nating mag-commercial break para matugunan ng ating medical personnel si Eula.
Dugtong pa ni Kuya Kim, "Sa ngayon ay kasalukuyan pong inoobserbahan ng medical team ang kalagayan ni Eula."
Nagbigay din ng pahayag ang inampalan na si Renz tungkol sa nangyari kay Eula.
"Priority po natin ay 'yung kalusugan ni Eula. We're hoping and praying na okay naman siya. First time po na nangyari ito kaya medyo na-shock [kami] sa nangyari."
Dagdag ni Kuya Kim, magbibigay ng update ang TiktoClock at inimbitahan ang mga manonood na ipagdasal ang kaligtasan ni Eula.
"Kung ano man ang mapagdesisyunan namin ng inampalan, ipapaalam po namin bukas. Bibigyan po namin kayo ng update sa kalagayan ni Eula. For now, samahan niyo po kaming magdasal na maging ligtas si Eula at sana ay walang seryosong nangyari sa kaniya. Mag-ingat po tayong lahat."
Si Eula Bautista ay grand finalist sa Tanghalan ng Kampeon 2026. Nakuha niya ang kaniyang ikapitong panalo kahapon, March 9.