
Dream fulfilled para sa social media stars na sina Tito Abdul at Tito Marsy na nabigyan sila ng break sa pag-arte.
Sa pagharap nila bilang resource persons sa Your Honor sa session na 'In Aid of Bromance: Awkward Ba?' inusisa sila ni Chariz Solomon kung bakit naisip nilang pasukin ang mainstream TV, kahit 'paldo' na ang kita nila bilang content creators.
Lahad ni Marsy na lumawak ang mundo nila nang mapasama sila sa Sanggang-Dikit FR.
“'Yung iba kasi, siyempre limitado lang 'yung audience namin dati sa TikTok lang, social media. Pero kasi ngayon, nadagdagan kasi sa mainstream e, napapanood kami sa Sanggang Dikit. Sa TV, ganun. Napi-feel naman namin, feeler kami e!”
Tanong sa kanila ni Madam Cha: “Sa totoo lang, maging totoo tayo. Medyo malaki na ang network n'yo sa social media. Malaki na ang kita n'yo kapag nag-TV kayo. Ito 'yung realidad ah, nagsisimula kayo parang from the bottom 'di ba, 'yung credentials n'yo as Abdul and Marsy, medyo hindi siya nagco-count. So, nagsimula kayo from the start. Hindi ba kayo parang 'Ay, ang liit pala ng sahod dito. E dito magko-content kami, hawak namin oras namin.'”
Tugon naman ni Abdul, “Sa amin kasi, hindi namin pinapansin sa kikitain. Kasi alam naman namin pareho na before pa lang, pangarap na namin maging actors talaga. Dati pa lang sumubok kami. Nang nangyari na 'to sa amin, siyempre hanggang ngayon hindi kami makapaniwala. Dun kami naniwala na wala palang nali-late, mag-antay ka lang ng right timing."
Sabat uli ni Marsy, “Tawag dun redirection! Kasi akala ng iba, failure na pero ang failure is redirection lang. Kasi katulad dati, nagta-talent din kami, extra kami. Pero hindi kami nakilala.”
May mahigit sa 1.3 million ang followers nina Abdul at Marsy sa Facebook at milyon-milyon din ang likes na nakuha ng kanilang separate pages sa TikTok.
RELATED CONTENT: KILALANIN ANG MGA TAO NAGPAPAKILIG KINA TITO ABDUL AT TITO MARSY