
"Ganito pala maging favorite."
Iyan ang naging pahayag ni Toni Fowler kapag napag-uusapan siya ng madla, mapa-career man niya o personal na buhay.
Sa panayam ni King of Talk na si Boy Abunda sa vlogger sa Fast Talk with Boy Abunda noong Martes, April 8, hindi nagpaligoy-ligoy si Toni tungkol sa naidudulot ng mga kontrobersiya sa kanya.
Aniya, "Siguro views, malaking bagay 'yan sa views siyempre. Mas mataas ang kita natin...pera."
Sa ngayon ay may 9.29 million subscribers at mahigit 1.5 billion views sa YouTube si Toni, o kilala rin bilang Mommy Oni sa vlogging world.
Ayon kay Toni, may mabuting epekto sa kanyang personal development kapag isinasapubliko niya ang kanyang buhay.
Patuloy niya, "Pero bukod din kasi do'n, siguro ang dami ring mali sa buhay ko. Nakikita kasi ng tao kung paano ako magkamali, mag-grow...parang gano'n, parang sila 'yung nagpalaki sa 'kin, 'yung madla."
Dagdag pa ni Mommy Oni, bagamat tila wala siyang gustong itago sa madla, maingat siya pagdating sa kanyang dalawang anak na parehong menor de edad.
Aniya, "Kasi 'pag lahat pinapakita mo, maraming nakikiaalam, 'di ba? Sa 'tin kaya natin, e ang mga bata? Magkamali man 'yan, 'di nila deserve ma-bash kahit kelan kasi part of growing up ang magkamali. Pero ang tao ngayon, kahit 'pag mga bata ang pinag-uusapan, grabe ang talk. Ay, walang pakundangan talaga."
Kung dati ay madali niyang patulan ang kanyang bashers, nagbago na raw ang kanyang mindset ngayon. Sabi niya, "Wala na kasi happy na ako."
Hirit pa ni Mommy Oni, dedma na sa bashers lalo na kapag sayang lang sa oras ang pakikipagtalo. "Happy din ako 'pag pinag-uusapan nila ako kasi dapat ako ang pag-usapan kasi feeling ko kasi 'pag buhay nila 'yung pinag-uusapan, 'di interesting kaya siguro chinichismis na lang talaga."
Pagpapakatotoo niya, mas interesado ang tao sa kanya sa tuwing may kontrobersiya siyang kinakaharap.
Diin ng popular na YouTuber, "Saka 'yan ang ang bumubuhay sa 'kin, 'yung pinag-uusapan ako. Ngayon masaya ako, hangga't nagsasayang sila ng oras sa 'kin, good or bad, happy ako."
Aware naman si Toni sa consequences ng pinasok niyang karera. Aniya, "No'ng una, 'di ko tanggap. Pero no'ng tumagal, na-realize ko na, ah ganito, ganito pala maging favorite."
Panoorin ang buong panayam ni Tito Boy kay Mommy Oni sa video sa itaas.
BALIKAN ANG GUEST APPEARANCE NI TONI FOWLER SA FAST TALK WITH BOY ABUNDA SA GALLERY NA ITO.