
Si Katkat Dasalla o Captivating Katkat ay isa sa mga pinakakilalang drag queens sa bansa ngayon. Sa katunayan, nag-viral kamakailan ang kanyang performance ng kantang “Let It Go” mula sa pelikulang Frozen.
Ngayong Sabado, August 28, mapapanood si Katkat sa kaniyang kauna-unahang acting stint on TV sa “Pagpapanggap“ episode ng bagong Wish Ko Lang.
@itsmekatkat is our QUEEN! 👸 Abangan siya ngayong Sabado sa Wish Ko Lang! 🥰 https://t.co/GV9bNW7bIO
-- Wish Ko Lang! (@WishKoLangGMA) August 23, 2021
Ayon kay Katkat ninerbyos daw siya sa kanyang unang pagsabak sa pag-arte sa telebisyon.
“This is my first acting job on TV, although uma-acting naman ako on stage pero iba pala kapag TV, sobra 'yung kaba sa first take ko kasi wala pa 'kong idea kung paano ba.
“Pero habang tumatagal 'yung taping is unti-unti na akong nasanay at nawala na rin 'yung inhibitions ko.”
Natuwa at kinilig din daw si Katkat dahil makakasama niya ang Kapuso stars na sina Derrick Monasterio, Kiray Celis, at Faye Lorenzo.
"Sobrang kilig! Siyempre, one of my Kapuso crushes si Derrick, and si Faye and Kiray naman is sobrang at ease ako katrabaho sila. Lalo na si Kiray na sobrang taas ng energy sa lahat ng tao sa set."
Makakasama rin ni Katkat ang beteranang aktres na si Lovely Rivero, pati sina Bryan Benedict at Alexandra Abdon.
Ayon kay Katkat naka-relate siya sa karakter niya sa “Pagpapanggap“ episode na si Gigi.
“I play the role of Gigi, ako ang boss dito ni Kiray. Nakaka-relate ako sa pagiging strict ni Gigi dito kasi ang gusto lang naman nya is maging maayos 'yung business niya and also her employees.”
Tungkol sa catfishing or pagpapanggap ang istoryang tampok sa bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado.
Sa kabutihang-palad ay wala pa naman daw naging karanasan si Katkat kung saan siya ay na-catfish o naloko ng isang taong nagpapanggap lamang.
“Hindi ko pa naman naranasan na ma-catfish. If ever na maranasan ko siguro 'yun, lalayuan ko na lang siya agad then move on. “
Ayon kay Katkat naging challenging para sa kanya ang mga eksena kasama ang Kapuso comedienne na si Kiray.
“Ang pinaka-challenge talaga sa'kin dito is 'yung magka-eksena kami ni Kiray tapos 'yung scene is papagalitan ko siya.
“So, bago mag-take, nag-i-internalize na ako. Pero tuwing titingin ako kay Kiray, natatawa na ako.
“Tapos pati siya nangingiti sa'kin kapag natatawa ako kaya sobrang challenge talaga sa'kin na mag-seryoso tapos ang ka-eksena ko si Kiray.
“Pero buti na lang talaga naging maayos 'yung take namin.”
Huwag palampasin ang acting debut ng Filipina drag queen na si Katkat Dasalla ngayong Sabado sa bagong Wish Ko Lang, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.
Kilalanin ang mga Filipino queens na sumali sa RuPaul's Drag Race sa gallery na ito.