Article Inside Page
Showbiz News
Ngayo'y nagbabalik si April Boy Regino sa spotlight at may bago na siyang album na pinamagatang 'Tanging Hiling.'
By FELIX ILAYA
Kung pinanganak kayo before at during the '90s, malamang ay pamilyar kayo sa mga awitin ni Idol April Boy Regino. Nariyan ang "Sana'y Laging Makapiling," "Ye Ye Vonnel," at ang signature move na pag-krus ng kamay sa tuwing pinatutugtog ang "'Di ko Kayang Tanggapin."
Handa na ba kayong bumirit kasama ang nag-iisang jukebox king na si April Boy Regino? Mamayang 5:00 PM na iyan sa GMA! #PowerhouseAprilBoy
Posted by Powerhouse on Tuesday, October 20, 2015
Ngunit papaano nga ba sumikat si April Boy? Nakapanayam ng Powerhouse host na si Kara David ang musikero at mang-aawit upang alamin kung papaano tumayog ang bituin ni April Boy Regino.
Inamin ni April Boy na nagmula siya sa isang pamilyang salat sa salapi ngunit umaapaw naman sa pagmamahalan. Mula sa murang edad, natuklasan niya na mayroong siyang hilig sa pag-awit.
Aniya "Sa eskuwelahan ko, ang teacher ko sa music tinatanong nila kung sino yung mahilig kumanta. Tapos ako yung [mag] tataas ng kamay kahit hindi naman ako magaling, mahilig ako kumanta, 'yon tapos lumakas yung loob ko."
Noong magkaroon ng kumpiyansa sa sarili, nagsimulang sumali si April Boy sa mga amateur singing contests. Ginamit na niya ang kaniyang angking galing sa pagkanta upang makatulong sa pamilya. Dahil sa kagustuhan niyang makatulong, hindi niya tinapos ang kaniyang pag-aaral.
"Sumali na ako sa mga amateur singing contests tapos pangalawa [noong] 12 years old na ako, sumasama na ako sa mga stage shows. Alam mo 'yung mga fiesta-fiesta. Hanggang Grade 6 lang ang tinapos ko, kasi walo kami eh [na magkakapatid], hindi naman kaya ng nanay ko magpa-aral kasi mahirap lang kami. Sabi ko "Kaysa gumastos kayo sa akin, magtatrabaho na lang ako, tutulong ako sa inyo."
Pagtungtong niya ng 18, nagsimula na siyang magtrabaho sa Japan at pagkalipas ng apat na taon ay umuwi siya sa Pilipinas upang subukin ang kaniyang kapalaran.
"Pinang-audition ko yung "Sana'y Laging Makapiling" tapos ayaw matanggap sa mga recording company. Naawa 'yung nanay ko, eh may ipon na siya noon binenta niya yung lupa niya sa Cavite tapos 'yun 'yung pinuhunan niya; pinroduce niya kami ng album, kaming tatlong magkakapatid; sa awa ng Diyos, sumikat!"
Dagdag ng nanay niya na si Lucy Regino "Napakahirap magpasikat noon, iaalok mo na, ayaw pa, kahit libre ayaw. Buti na lang tinulungan kami ng Ivory."
Ayon kay April Boy, wala raw nais magpatugtog ng kanilang record sa FM radio dahil "baduy" daw ngunit noong pinatugtog ang "Sana'y Laging Makapaling" ng isang DJ Baby Michael sa FM radio ay bigla itong sumikat. Mas kilala ngayon si DJ Baby Michael sa pangalan na Mike Enriquez.
Ayon kay Mike Enriquez mismo "'Nung unang-una kong narinig ang plaka ni April Boy, kalagitnaan pa lang noong kanta, hindi ko na tinuloy ang pakikinig. Sabi ko "Papatok itong kantang ito."
At pumatok nga! Naging hit ito sa masa at umani pa ng gold at platinum awards. At sabi nga nila, the rest is history dahil nagtuloy-tuloy ang pagsikat ni April Boy.
In recent years, maraming health complications ang dumapo kay April Boy tulad ng prostate cancer, diabetic retinopathy o ang pagkabulag dulot ng diabetes, at congestive heart failure.
Aniya "Dati, ang ganda-ganda ng buhay ko. Dati, sikat na sikat ako. Dati, nasa akin ang lahat eh. Mayaman ako, sikat ako, daming humahanga sa akin. Ngayon heto ako, isang bulag, lagi nasa kuwarto, lagi nalang nagdadasal sa kaniya. Sana bigyan niya ako ng pagkakataong makakita muli. "Diyos ko, ikaw lang ang pag-asa ko." Kaya nga nakagawa ako ng kanta eh, nakapag-compose ako na siya lang talaga ang makakatulong sa akin. Gagaling ako dahil sa'yo."
Ngayo'y nagbabalik si April Boy Regino sa spotlight at may bago na siyang album na pinamagatang 'Tanging Hiling.' Inihahandog niya ang album na ito sa Panginoon.