
Noong nakaraang linggo, nakilala na ni Donna Marie (Jillian Ward) ang kanyang tunay na mga magulang: sina Lilian (Katrina Halili) at Ruben (James Blanco).
Habang nasa ospital si Donna Marie, palihim na ipina-DNA test ni Ruben ang buhok ni Donna Marie upang malaman kung anak niya ito.
Pinakita ni Ruben kay Lilian ang resulta ng DNA test. Ang problema, hindi rin alam ni Lilian kung totoo ang naging resulta dahil buong akala niya ay naging surrogate mother lang siya ni Jaime (Wendell Ramos).
Gulong-gulo na sina Lilian at Ruben sa nangyayari kaya kumunsulta na sila sa OB-GYNE upang malaman ang katotohanan. Kinumpirma naman ng doctor na mayroong nangyaring heteropaternal superfecundation kaya magkaiba ang tatay nina Donna Marie, at Donna Belle (Althea Ablan) at Donna Lyn (Sofia Pablo).
Upang makasiguro si Lilian na siya ang tunay na ina ni Donna Marie at hindi ang dating asawa ni Jaime na si Maita (Glaiza de Castro), sumailalim din si Lilian ng maternity DNA test.
Sobrang saya naman ni Donna Marie nang malaman niya ang totoo dahil pagkatapos ng mahabang panahon, nakilala na niya ang tunay niyang mga magulang.
Nawala na rin ang inggit niya kina Donna Belle at Donna Lyn na kilala ang kanilang tunay na mga magulang.
Samantala, napapalapit na ang loob ni Donna Belle kay Kendra (Aiko Melendez). Sa katunayan, tinatawag na niya itong 'mommy.'
Panoorin ang all-new episodes ng Prima Donnas, Lunes hanggang Biyernes, sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng Ika-6 na Utos.