
Isang comedy-drama film tungkol sa "body switching" ang hatid ngayong linggo ng digital channel na I Heart Movies.
Sa indie film na Two Funerals, magkakapalit ang labi ng dalawang taong namatay dahil sa isang vehicular accident.
Gaganap dito si Xian Lim bilang Gerry, fiance ng isa sa mga namatay na si Charm. Hindi batid ni Gerry na nagkamali ang funeral parlor at ibang mga labi ang na-release sa kanya.
Magugulat ang nanay ni Charm na si Pilar, played by Tessie Tomas, na labi ng isang lalaki ang darating sa kanila sa Tuguegarao.
Mate-trace nina Pilar at Gerry na nasa Sorsogon ang tunay na labi ni Charm kaya agad silang pupunta dito. Mababawi ba nila ang labi ng mahal sa buhay?
Abangan ang Two Funerals, May 19, 9:35 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Huwag ding palampasin 2006 drama film na Kubrador starring award-winning veteran actress Gina Pareño.
Gaganap siya dito bilang Amy, kubrador ng jueteng na patuloy na umiikot para mangolekta ng mga taya sa kabila ng kanyang pagtanda at mas pinaigting na crackdown laban sa ilegal na pagsusugal.
Dahil sa kanyang pagganap, umani si Pareño ng parangal bilang Best Actress sa Osian's Cinefan Festival of Asian and Arab Cinema at maging sa 2007 Gawad Urian.
Humakot din ng mga pagkilala ang pelikula tulad ng Lino Brocka Award o Grand Prize sa Cinemanila International Film Festival; International Critics Award sa 28th Moscow International Film Festival 2006; Best Film at International Critics Award sa Osian's Cinefan Festival of Asian and Arab Cinema; Best Film, Best Director, Best Cinematography, at Best Production Design sa 2007 Gawad Urian at hinirang pang Best Filipino Film of the Decade noong 2010 Gawad Urian.
Tunghayan ang Kubrador sa May 16, 10:20 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.