
Hindi inaasahan ng maraming viewers na kikiligin sila kina Amy Austria at Roi Vinzon sa family sports drama series na Kamao.
Bagama't magbalae sila sa serye, napansin ng netizens ang nakakatuwang chemistry nina Amy at Roi bilang sina Gloria at Domeng, ang mga lolo't lola ng bidang si Makmak, na ginagampanan ni Anton Vinzon. Maternal grandmother ni Makmak si Gloria, samantalang paternal grandfather naman ng binata si Domeng.
Marami ang natutuwa sa kanilang mga eksena, lalo na sa kanilang mga nakakaaliw na sagutan. Sa isang eksena mula sa recent episode ng Kamao, tila nag-ala Shan Cai at Dao Ming Si, mga karakter sa sikat na Taiwanese series na Meteor Garden, ang dalawang beteranong aktor.
Sa kuwento ng Kamao, kapwa isinasantabi nina Gloria at Domeng ang kanilang pagkakaiba sa pananaw sa buhay para sa kapakanan ng kanilang minamahal na apo. Unti-unting nagkakasundo at natututong magtulungan sina Gloria at Domeng dahil sa iisang layunin: ang mabigyan ng maayos na kinabukasan si Makmak.
Dahil dito, maraming netizens ang nagpahayag ng kanilang pagkatuwa sa tambalan nina Amy at Roi. May ilan pang nagbiro na may bagong love team na nabuo sa serye dahil sa kanilang natural na chemistry sa kanilang mga eksena.
Pinuri rin ng viewers ang husay nina Amy at Roi sa pagbibigay-buhay sa kanilang mga karakter. Ayon sa netizens, kahit hindi romantiko ang pangunahing takbo ng kanilang kuwento, nagagawa pa rin nilang maghatid ng kilig at good vibes sa bawat tagpong magkasama sila.
Mapapanood ang Kamao weekdays sa oras na 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
SAMANTALA, KILALANIN ANG IBA PANG KAPUSO LOVE TEAMS NA NAGPAKILIG SA MGA MANONOOD.