
Naglalabasan na ang katotohanan sa nalalapit na pagtatapos ng mapangahas na drama na Unica Hija.
Sa nakaraang linggo ng GMA Afternoon Prime series, opisyal nang ipinakilala ni Diane (Katrina Halili) si Hope (Kate Valdez) bilang clone ng kanyang yumaong anak na si Bianca (Kate Valdez).
Dahil kay Hope, nagkaroon ng pagkakataon si Diane na maging magulang muli nang likhain ito ng asawa niyang scientist na si Christian (Alfred Vargas) sa pamamagitan ng genetic engineering.
Ang masayang pagtitipon ay nabalot ng tensyon nang mag-iskandalo si Cara (Maybelyn Dela Cruz).
Sinisisi ni Cara si Hope na siyang sumira sa kanyang pamilya pero ibinalik ito ng kanyang mister na si Zachary (Mark Herras) sa kanya.
Dito ibinunyag ni Zach na si Cara ang tumulak kay Bianca sa bangin habang sila ay nagha-hiking, na naging dahilan ng pagpanaw ng huli noong mga teenager pa sila.
Galit na ipinaalala ni Zach kay Cara na kung hindi namatay si Bianca, walang clone na malilikha at walang gulong mangyayari sa buhay ni Hope.
Subaybayan ang huling limang araw ng Unica Hija mula February 23 hanggang February 27, 4:30 p.m., pagkatapos ng Fast Talk with Boy Abunda sa GMA at Kapuso Stream. Mapapanood din ito sa video streaming app na GMA Play.
Ang Unica Hija ay mula sa direksyon ni Mark Sicat dela Cruz at mula sa produksyon ng GMA Entertainment Group.
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: At the fun set of 'Unica Hija'