
Wala pa mang 24 oras ay umani na ng higit 2 million views ang trailer ng episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong darating na Sabado, April 10, na pinamagatang “Ang Tita Kong Kabit.” Tungkol ito sa magkapatid na magiging magkaribal sa iisang mister.
Starring sa nasabing episode sina Pepito Manaloto star Janna Dominguez, former Eat Bulaga Dabarkads Patricia Tumulak, The Lost Recipe actress Crystal Paras at ang aktor na si Arnold Reyes.
Gaganap si Patricia Tumulak bilang Myrna, isang mabait at mapagmalasakit na kapatid. Nang makaraos nang kaunti sa kanyang pananahi ay nagpasiya si Myrna na kunin mula sa probinsya ang half-sister na si Vina (Janna Dominguez) upang kanya itong mapag-aral.
Si Patricia Tumulak bilang Myrna / Source: Wish Ko Lang
Ngunit ang hindi alam ni Myrna, ito pala ang magiging simula ng pagkasira ng tahimik at masayang buhay nilang pamilya.
Noong una ay mukhang maayos naman ang lahat. Sabik pa nga ang anak ni Myrna na si Elaine (Crystal Paras) na makasama sa bahay ang kanyang Tita Vina dahil sa tingin niya ay magkakasundo sila nito.
Ngunit taliwas dito ang nangyari dahil unti-unting nadiskubre ni Elaine ang mga kalokohan at kasinungalingan ng kanyang Tita Viina.
Si Crystal Paras bilang Elaine / Source: Wish Ko Lang
Minsan nagkasagutan si Elaine at ang kanyang Tita Vina dahil nahuli niya itong kinuha at sinuot ang kanyang T-shirt nang walang paalam.
Pero mas masaklap pa ang sunod niyang nadiskubre dahil ang kanya palang Tita Vina ay inaakit ang kanyang ama (Arnold Reyes).
Ang pang-aakit ng karakter ni Janna Dominguez sa “Ang Tita Kong Kabit” / Source: Wish Ko Lang
Kaya naman nang malaman niya ang pagtataksil na ginagawa ng kanyang Tita Elaine at ang kanyang ama, hindi napigilan ni Elaine na makipagsagutan sa kanya.
Nang minsang magkasabay sila sa hapag-kainan, pinaringgan ni Elaine si Vina. Aniya, “Ang lansa naman. 'Yung isda ba 'yon o kayo?”
Natatawa namang tumugon si Vina. Sabi niya kay Elaine, “Alam mo, dumaan ka sa doktor. Patingnan mo 'yang mga mata mo kasi parang nakakakita ka ng kung anu-ano.”
Ngunit hindi nagpatalo si Elaine at sinabing, “Ikaw ang magpa-doktor. pagamot mo 'yang kati mo, Tita.”
Imbes na magpatinag sa kanyang pamangkin ay tila matapang pa nitong ibinaling ang sisi sa kanyang kapatid na si Myrna.
Ani Vina, “Ang tindi ng imahinasyon mo. Pero ito lang 'yung sasabihin ko, kung 'yung nanay mo maaagawan ng asawa, kasalanan niya 'yon kasi puro trabaho lang naman 'yung inaatupag niya.”
Dito na hindi nakapagpigil si Elaine at nasampal niya si Vina. Gumanti naman ang kanyang Tita Vina ng sabunot at pagtulak sa kanya sa mesa.
Ngunit kahit nasaktan siya ng kanyang Tita Vina hindi pa rin nag-iba ang tono ni Elaine at binalaan niya ito na balang-araw, mahuhuli rin sila ng kanyang ina na si Myrna.
Ano kaya ang mangyayari kapag nalaman na ni Myrna ang pagtataksil na ginagawa ng kanyang asawa at half-sister na si Vina?
Paano kaya matutulungan ng Fairy Godmother ng Bayan na si Vicky Morales na makapagsimula muli ang pamilyang minsang sinira ng pagtataksil?
Abangan lahat 'yan ngayong Sabado sa bagong Wish Ko Lang, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Balikan ang mga eksena sa “Pinutulan” episode ng bagong Wish Ko Lang na tungkol naman sa pagtataksil ng mga kaibigan ng isang babaeng bagong kasal sa gallery sa ibaba.