Sa ginawang panayam ni entertainment reporter Audrey Carampel, sinabi ng aktres na nagpapakatatag siya sa harap ng pinagdadaanang pagsubok para sa kanyang pamilya.
“I’m doing my best to be strong for my family; kasi kanino sila kukuha ng lakas ‘di ba? siyempre sa akin," pahayag ni Angelika na panganay sa magkakapatid.
Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing pumanaw si Edward noong Lunes ng umaga nang masalpok ng isang trak ang kotse nito sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng Pampanga.
Kasasakay lang umano ni Edward sa kotse matapos ayusin ang na-flat na gulong nang biglang sumulpot ang trak at banggain ang biktima. Hindi na umano umabot ng buhay sa ospital ang biktima.
“Hindi ako naniwala e kasi si daddy ko tumawag sa’ken 6:30 ng umaga, ‘anak may tumawag kasi sa akin na naaksidente daw si Edward, patay daw," kuwento ni Angelika.
Inilarawan ng aktres ang kapatid na malambing at mabait.
Tila mayroon din daw prominisyon ang kapatid nang pumanaw ito.
“Before he died madalas n’ya ‘kong dalawin sa set. Tapos nung gabing ‘yon nang mamatay siya suot ko yung t-shirt na pangkampanya niya," patuloy ni Angelika.
Kapapanalo pa lang ni Edward bilang konsehal sa Malabon.
Nanghihinayang daw si Angelika na hindi na magagampanan ng kapatid ang kanyang tungkulin. Naging emosyunal ang aktres nang mapag-usapan ang hirap na pinagdaanan ng kapatid noong panahon ng kampanya.
Kung papahintulutan, nais ni Angelika na siya ang humalili sa naiwang tungkulin ni Edward.
“Kung halimbawang payagan na ako ang pumalit sa kanya alam ko na kung papaano sisimulan yung naputol n’yang dapat na gagawin niya," ayon kay Angelika. -FRJimenez, GMANews.TV