
Ikinuwento nina Vhong Navarro at Jhong Hilario sa episode ng It's Showtime nitong Huwebes (August 15) ang tungkol sa kani-kanilang first dates.
Tinanong sila ni Unkabogable Star Vice Ganda sa “EXpecially For You” kung saan nila dinala ang mga unang pinormahan nila noon.
Natanong ito ng seasoned comedian matapos ikuwento ni Mackie, ang ex-boyfriend ng featured searcher na si Emy, ang kanilang simpleng first date.
Ayon kay Vhong, dinala niya noon ang kanyang ka-date sa isang fast food restaurant.
“Ito, nakakatawa 'yan. Dinala ko siya sa isang fast food, na hindi ko alam medyo pricey pala. So pag-order ko, nagulat ako 'yung cheeseburger niya, hindi 'yun 'yung ine-expect kong presyo,” kuwento niya.
Hirit ni Vice Ganda, "Baka double cheeseburger 'yung na-order mo.”
Patuloy ni Vhong, “At saka nakahiwalay, 'di ba dapat buo, magkakasama 'yon. Magkakahiwalay, ay shala, nasa plate e.”
Matapos ang kanilang biruan ni Vice Ganda, dagdag pa niya, “Tapos siyempre, ang problema ko, magkano lang 'yung budget ko dahil estudyante rin. Ang sabi ko doon sa barkada ko, 'ako na manlilibre, sagot ko 'to.' So ang ending, 'yung barkada ko ang nanlibre sa amin.”
Ayon kay Vhong, mayroon ding kasamang ka-date ang kanyang kaibigan na nanlibre sa kanila.
Kuwento naman ni Jhong, nilibre niya ang kanyang ka-date noon noong siya'y high school ng chichirya at softdrinks.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.