Sa bakasyon na ba ng 'Eat Bulaga' sa Hong Kong magaganap ang big proposal?
By MARAH RUIZ
Sa unang linggo ng June, lilipad ang buong Eat Bulaga patungong Hong Kong. Treat daw ito ni TAPE President at CEO Antonio Tuviera para sa kaarawan ni Vic Sotto kamakailan.
Maraming nakapansin na inimbita ni Bossing Vic ang mga magulang ng kanyang kasintahang si Pauleen Luna para sumama sa kanila sa Hong Kong. Dahil dito, nagkalat ang mga haka-hakang magpo-propose na raw si Vic kay Pauleen.
"Ay hindi, bakasyon ng Eat Bulaga 'yun," paglilinaw ni Vic nang maabutan siya ng Startalk palabas ng Broadway Centrum.
Sinang-ayunan naman ito ni Pauleen.
"Opo, para lang talaga sa birthday niya 'yun, celebration ng Eat Bulaga for Vic's birthday," ayon dito.
Hindi naman naiwasan ni Startalk host Butch Francisco na magtanong sa isa sa mga pinakamatalik na kaibigan ni Bossing—ang kapwa niya host na si Joey de Leon—kung may nalalaman ito tungkol sa isyu.
"Para sa 'min ni Tito at ni Vic, bakasyon lang ng Eat Bulaga [iyon]. Ang hindi namin alam, kung masusorpresa kami doon," pabirong sagot nito.