
Puno ng kilig vibes ang latest vlog nina Vice Ganda at Ion Perez para sa kanilang sweet 7th anniversary!
Bilang bahagi ng espesyal na okasyon, sumama rin ang kanilang “inaanak-anakan” na si Ryan Bang upang ihandog ang mga nakakatuwang sorpresa at heartfelt moments para sa mag-asawa.
Ngunit ang pinaka-pinusuan ng fans online ay ang makabuluhan at totoo nilang pag-uusap tungkol sa pag-ibig.
“Love makes life more exciting kaya ang daming gusto mong subukan kasi parang nakaka-excite,” isa sa mga ani ng Unkabogable Star.
Ngunit ayon naman kay Ryan, mas mahirap daw kaysa sa inaakala ang pag-ibig.
“Love is hard din, difficult. Hindi siya madali. Akala ko dati ang pinaka mahirap sa mundo natin 'yung business, negosyo. Mahirap din 'yun e. Pero ang pinaka mahirap pala love,” sabi niya.
Nang tanungin si Ryan kung bakit niya ito nasabi, inamin ng It's Showtime oppa ang kanyang realizations.
“Katulad sinabi mo may plan ka. Pero hindi natutuloy 'yung plan mo. Pero you have to enjoy it. Accept it,” ani Ryan, na sinang-ayunan naman ni Vice.
Maliban sa mga kuwentuhan, marami rin ang naantig sa relasyon nina Vice at Ion sa kanilang “baby boy.”
“Alam n'yo dati 'yung syempre meron din ako relationship. Kung sa relationship ko syempre kung ano ang nakikita at natutunan ko sa parents ko. They are separate but they still love each other,” pahayag ni Ryan.
Ibinahagi ng Korean na ang kanyang role model ngayon ang kanyang “mami at dadi” na sina Vice at Ion. Kaya naman madamdamin ang kanilang kwentuhan ng ibinigay ng wedded couple ang kanilang mga payo para sa kanya.
“'Di ba tinuro ko na sa iyo 'yun? Sinabi ko kasi, ''Pag mahal mo 'yung tao, Hindi pwede kung ano 'yung pinapakita mo sa kanya at pinaparamdam mo sa kanya, e pinapakita at pinaparamdam mo sa lahat. Kailangan natatangi,'” paalala ni Vice.
Pagdating sa usapang nami-miss ang partner, ibinahagi rin ng comedian ang kahalagahan ng pagkakaroon ng espasyo sa relasyon.
“Alam mo magandang nami-miss namin ang isa't isa. Dapat namin ma-miss namin ang isa't isa. Maganda 'yung may times na hindi kami magkasama ta's nalulungkot kami kasi 'yun 'yung realization, 'Ang halaga sa akin ng tao 'yun.' Pero kailangan ko siyang pabayaan para magawa 'yung gusto niya and at the same time, maramdaman ko ulit 'yung [pagka-miss],” sabi ni Vice.
“'Di ba 'pag alam mo 'yung tao na napapalayo sa'yo natatakot ka? Kailangan may takot na nararamdaman.”
Inamin ni Ryan na minsan may takot o pagka-miss siyang nararamdaman sa kanyang partner. Ngunit mas pinipili niya na lang itago ito kaysa ipakita madalas.
“Pwede kang mag-text at tumawag na hindi ka nag-aabala,” paliwanag ni Vice.
Dagdag pa ni Ion, “Mali siya 'pag madalas mong ginagawa. Doon lang siya nagiging mali.”
Patuloy ni Vice, “Puwede ka mag-text dahil may sasabihin ka. Ang hindi maganda 'yung nagte-text ka dahil gusto mong ma-replyan ka. Kasi hindi ka nagbibigay. Hindi ka totoong nagbibigay, hindi genuine 'yung binibigay mo. Binigay mo lang iyon dahil gusto mong matanggap ka.”
Ang kanilang love talk ay pinag-usapan ng netizens online, hanga sa mga aral ibinigay nina Vice at Ion para kay Ryan. Marami rin ang naantig sa inspiring love story ng dalawa, mula sa mga matinding pagsubok hanggang sa sweet moments nila.
Mapapanood sina Vice, Ion, at Ryan sa It's Showtime, tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon sa GMA at Kapuso Stream.
Balikan ang happy love story nina Vice Ganda at Ion Perez sa gallery na ito: