
Pinaulanan ng reklamo at pagkadismaya ng TV host-comedian na si Vice Ganda ang isang airline company dahil umano sa delayed at overbooking ng kanilang flight.
Sa social media na X, sunod-sunod ang naging post ni Vice tungkol sa kanilang hindi magandang experience sa isang airline company.
Ayon sa isa sa post ng TV host, nagkaroon ng overbooking sa flight na kanilang kinuha kung kaya't hindi nakasakay ang iba nilang kasamahan at hindi rin siya nakaupo sa dapat sana ay kaniyang business class seat.
Post ni Vice, “Grabe ka @flyPAL Grabeng pangaabala at perwisyo ang dinulot mo sa masaya sanang trip na ito!!! Bakit kayo ganyan??? Ilang beses nyo kaming pinaranas ng overbooking sa puntong di nakasakay ang kasama namin. Ngayon ako naman ang nawalan ng upuan!”
Sa pagkadismaya ni Vice, napalitan umano ng lungkot ang dapat sana ay masaya nilang trip.
Aniya, “Pinapalitan nyo ng lungkot at buwisit ang saya na dulot ng excitement sa bawat trip at ligaya ng bawat nabuong memories sa trip ng dahil sa napakapanget nyong sistema! Masaya sana ang bawat alis at pag uwi kung meron kayong malasakit.”
Kuwento pa ng Unkabogable Star, “Walang halong biro naiyak ako habang tumatakbo para umabot ako sa flight na muntik kong di masakyan dahil nagoverbook kayo. Si Ion inabutan kong mukhang kawawang nasa pinto ng eroplano dahil ayaw nyang sumakay kung di ako makakasakay. Yun ang ginawa nyo sa amin @flyPAL.”
RELATED FEATURE: The happy love story of Vice Ganda and Ion Perez
Humingi naman ng dispensa ang naturang airline company at ipinaliwanag ang nangyaring aberya sa nasabing flight na nakuha nina Vice.
"We would like to express our apology for the disruption and inconvenience you have faced during what should have been a joyful journey. We truly understand your frustration, and we are genuinely sorry for the trouble this has caused you," pahayag ng airline company.
"Your concerns about overbooking have not gone unnoticed. We are here to assure you that we take your feedback to heart and are committed to looking into this matter immediately."
Pero ayon kay Vice, taliwas sa sinabi sa kaniya ng airline staff ang naging dispensa ng airline company.
Aniya, “Hindi yan ang sinabi sakin sa counter! Ang sabi ng staff, 'THE FLIGHT WAS OVERBOOKED AND MY SEAT WAS GIVEN TO ANOTHER PASSENGER.' MAG BATO-BATO PICK NA LANG KAYO NG STAFF SA COUNTER KUNG SINO SA INYO ANG PAL-PAK! YUNG PANALO LIBRE KO NG ROUND TRIP TICKET VIA CATHAY PACIFIC!”
Samantala, matatandaan na nagtungo sa Hong Kong sina Vice at Ion kasama ang kanilang co-hosts sa noontime show na It's Showtime kamakailan. Ito ay kasunod ng naging 12-day suspension na ipinataw ng MTRCB sa nasabing programa.
Sa darating na October 28 nakatakdang mapanood muli ang It's Showtime sa GTV.