
Naghatid ng powerful performance ang America's Got Talent Season 20 champion na si Jessica Sanchez nang bumisita siya sa noontime program na It's Showtime nitong Sabado (May 9).
Sa naturang programa, ibinahagi ng Fil-American singer ang detalye tungkol sa kanyang nalalapit na concert na gaganapin sa May 16 sa Araneta Coliseum, kung saan kabilang ang Unkabogable Star na si Vice Ganda sa star-studded guest lineup.
Ayon kay Jessica, ito ang kanyang first major concert sa Pilipinas. Ibinahagi rin ni Vice Ganda ang kanyang excitement sa nalalapit na event.
“Excited ako. Siyempre, napapanood ko lang siya sa mga performances niya sa [America's] Got Talent, 'di ba dati sa mga ibang sinalihan niya,” pagbabahagi niya.
Tinanong din ng seasoned actor-comedian si Jessica kung gaano ito ka-excited sa upcoming concert nito.
“I'm so, so excited to be back in Manila, to be here with you, with all of you guys, all my Madlang People, and to be performing with you, too,” sagot ng singer.
Kwento pa ni Vice Ganda, na-miss niya si Jessica dahil nagkaroon ito ng guest appearance sa dati niyang programa at nakilala pa nito ang lola ng huli.
Bukod kay Vice Ganda, kabilang din sa star-studded lineup sina Mr. Pure Energy Gary Valenciano, Asia's Songbird Regine Velasquez, Concert King Martin Nievera, Asia's Phoenix Morissette, Multimedia Prince James Reid at Asia's Pop Heartthrob Darren Espanto.
Samantala, naging isa sa mga hurado si Jessica sa "Tawag ng Tanghalan" BARMM Regional Finals at nagbigay ng mga komento sa naging performances ng contestants.
Related content: A closer look at Jessica Sanchez's 20-year journey in the music industry