
Hindi rin napigilan ni It's Showtime host Vice Ganda na usisain kung sino nga ba talaga ang nasa likod ng boses ni Kuya sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Sa kanyang latest vlog, bumisita ang Unkabogable Star sa loob ng PBB house at kinausap si Kuya sa confession room. Syempre, hindi nakaligtas si Big Brother sa kanyang mga tanong at kulitan.
"Kuya, can you describe to me? Matangkad ka ba kuya?" tanong ni Vice.
"Ano'ng hula mo muna?" sagot ni Kuya.
"Feeling ko height mo ano, mga 5'10," hula ng comedian.
"Malapit na," sabi ni Kuya.
"Ah! So hindi ka umabot ng 5'10. Kung hindi ka umabot [doon], ba't ka tinawag na Big Brother?" banat agad ni Vice.
Nagpatuloy ang biruan ng dalawa hanggang sa diretsong tinanong ni Vice kung sino ba talaga si Kuya.
"Ang tagal na itong agam-agam Kuya. 'Yung totoo, umamin ka na. Si Direk Lauren (Dyogi)?" diretsang tanong ni Vice.
Si Kuya, may pa-suspense pa sa kanyang sagot.
"Sasabihin ko na sa iyo," sabi ni Kuya.
"Si Direk Lauren at ako ay..."
"Iisa?" sabat ni Vice.
"Magkaiba," sagot ni Kuya.
Hindi pa rin tumigil si Vice sa panghuhula, iniisip kung sino pang officials o personalities ang maaari maging si Big Brother.
Hanggang sa may pahapyaw na clue si Kuya.
"Pero Vice, malapit ako sa kanilang lahat," ibinunyag ni Kuya. "Ang masasabi ko, 20 years na kaming magkakaibigan."
Nagbiro pa si Vice at tinantya ang edad ni Kuya. Ayon sa kanya ay 55 years old na ito!
Pwedeng-pwede raw sa dating segment ng It's Showtime na "Step in the Name of Love."
"So, single ka ba?" biglang tanong ni Vice.
"Pwede pa ba ako doon?" banter ni Kuya.
"Pwede kasi 55 ka na. 'Yun ang amats namin ngayon. Mga lumalapag doon mga ano from junior to senior," asar ni Vice. "Hoy! 'Di kita tinawag na senior. From junior to senior."
Nagtanong pa ang Unkabogable Star kung ano'ng ihaharana ni Kuya sa segment. Bigla namang kinanta niya ang “My Way” at “Happy Birthday,” dahilan para maloka ang host.
"Wala ka bang lambing diyan? Kailan mo ba huling naranasang malambing Kuya?" tanong ni Vice.
"Araw-araw," sagot ni Kuya. "Minsan 'yung housemates. Nagbibigay pa nga sila ng pagkain."
Tuloy-tuloy pa rin ang kulitan hanggang sa pumasok na rin si Vice sa loob ng bahay para humingi ng tubig mula sa housemates.
Balikan ang pagbisita ni Vice Ganda sa PBB house:
Patuloy mapapanood si Vice Ganda sa fun noontime program na It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
Samantala, maaaring balikan ang mga kwento at moments sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition sa GMANetwork.com.
Tingnan ang unkabogable looks ni Vice Ganda sa gallery na ito: