
Ibinahagi ng actor at host na si Vice Ganda ang nakatutuwang kuwento tungkol sa mga magulang ng mapapangasawa ni Ryan Bang na si Paola Huyong.
Sa “Step In The Name of Love” segment ng It's Showtime kamakailan, sinabi ng Unkabogable Star na nilibre ni Ryan ang kanyang pamilya, pati ang pamilya ni Paola noong Mother's Day sa isang restaurant.
Humanga si Vice Ganda sa ginawa ng ama ni Paola para sa asawa nito. Kwento niya, “Magka-back-to-back 'yung table namin nung family ng girlfriend ni Ryan. Tapos biglang narinig ko 'yung tatay, bago bumati ng Happy Mother's Day don sa mommy ni Paola, may speech muna siya. Ang dami niyang sinabing magaganda, parang biglang may renewal of vows.
“Parang, 'we've been together for..” tapos may sinasabi siyang magagandang katangian nung asawa niya. Tapos nagpapasalamat siya sa mga magagandang pinagsamahan nila. Tapos binigyan niya ng bulaklak 'yung asawa niya, tapos nag-kiss sila sa lips, tapos nagpalakpakan kami.”
Natuwa rito ang It's Showtime mainstay dahil aniya'y mayroong mga taong hindi nagbabago ang paraan ng pagpaparamdam ng pagmamahal sa isa't isa.
Patuloy niya, “Ang ganda. Magandang makita na hindi binabago ng edad o ng panahon ang pag-ibig. May mga taong, they will make sure na kahit tumanda sila, hindi mababago 'yung pamamaraan nila ng pagpaparamdam ng pag-ibig sa isa't isa.”
Panoorin ang video sa ibaba.
Patuloy na subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
SAMANTALA, TINGNAN ANG SWEET MOMENTS NINA RYAN BANG AT PAOLA HUYONG SA GALLERY NA ITO.