
Matagal nang napatunayan nina Vice Ganda at Ion Perez ang kanilang matibay at matamis na pagmamahalan bilang mag-asawa.
Sa loob ng pitong taon, patuloy nilang pinapakita ang pag-ibig at saya sa harap man o likod ng kamera.
Ang kanilang relasyon ay nagsisilbing inspirasyon hindi lang sa madlang people kundi pati na rin sa iba pang LGBTQIA+ couples.
Sa kanilang latest vlog, muling ibinahagi ng It's Showtime hosts ang kuwento ng kanilang matibay na pagsasamahan.
Isa sa mga matinding pagsubok na pinagdaanan nila ay ang kontrobersyal na “cake incident” na naging dahilan ng kanilang pansamantalang suspension.
"Doon ako nagsimulang na-depress," kuwento ni Ion. "May time nga sinabi ko sa kanya ayoko na, e. Gusto ko na magpaalam sa [It's Showtime] ayoko na kasi."
Ayon kay Vice, malaking dagok ito para sa kanila lalo't sabay silang naapektuhan.
"Sobrang bigat nu'ng challenge na 'yun. Iyon 'yung time na kailangan namin iparamdam sa isa't isa na 'magkakampi tayo.' Hindi pwedeng hindi sabay maka-recover. Kailangan sabay tayo maka-recover," ani Vice.
"Kailangan sabay kami kasi sabay kaming nasaktan, sinaktan, hinusgahan. Kaya kailangan magsuportahan kaming dalawa. That time pareho kaming nakaramdam ng panghihina kasi nasaktan kami. Ang unfair."
Sa gitna ng mabigat na sitwasyon, unti-unti raw silang nawalan ng sigla sa araw-araw. Madalas lang silang manatili sa bahay, walang ganang kumain o matulog sa tamang oras.
"'Di ba sabi nila parang kailangan daw magkasama kayo para kung mahina ang isa, ikaw ang magiging lakas niya. Hindi 'yun ang nangyare noong panahon na 'yun kasi walang malakas sa amin at that moment. We chose to stay weak together," pagbabalik-tanaw ni Vice.
Pagkalipas ng isang buwan, natutunan nilang bumangon muli magkasama. Malaking tulong din ang pagdalo nila sa therapy sessions bilang mag-asawa.
"Kaya namin naramdaman na 'Ay mahal talaga natin ang isa't isa.' Kasi hindi tayo nagkanya. Pinili namin na magsama tayong dalawa," dagdag ni Vice.
Sa kasalukuyan, patuloy na nagbibigay ng saya at kilig sina Vice Ganda at Ion Perez sa It's Showtime, tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon sa GMA at Kapuso Stream.
Noong October, masaya ring ipinagdiwang ng dalawa ang kanilang 7th anniversary sa isang lake house sa Rizal -- simbolo ng pagmamahalan nilang kaytagal nang pinagtibay ng panahon.
Balikan ang happy love story nina Vice Ganda at Ion Perez sa gallery na ito: