
Nagbigay ng mahalagang payo ang TV host na si Vice Ganda tungkol sa mga nababasa na posts sa social media.
Sa “Tawag ng Tanghalan: All-Star Grand Resbak” segment ng noontime variety show na It's Showtime ngayong Miyerkules, March 12, sinabi ng komedyante na maging maingat at mapanuri ang netizens sa mga nababasa online.
“Mag-iingat kayo sa mga nababasa n'yo ha. Hindi lahat totoo katulad nung mga kumakalat na mga statement ko sa Facebook, hindi ko po statement 'yon. Iwasan n'yo po ang pagre-repost,” aniya.
Dagdag naman ni Karylle, “May page ka naman e, 'yung verified, 'yun si Vice Ganda.”
Patuloy ni Vice Ganda, “E 'yung iba wala ng gano'n, ayaw nang nagfa-fact check. Basta repost lang nang repost.
"Wala po akong nilalabas na statement sa Facebook."
Matatandaan na mabilis na tinugunan ni Vice ang isang pekeng post na kumakalat sa social media. Mababasa sa post na ito ang diumano'y statement niya tungkol sa drug war campaign ng dating presidente na si Rodrigo Duterte.
“FAKE NEWS!”
“Huwag paniwalaan ang kumakalat na pahayag na ito! Wala po akong inilabas o sinabi na ganitong statement. Maging mapanuri at huwag basta maniwala sa impormasyong walang malinaw o opisyal na pinagmulan. Please report!” sulat niya sa kanyang Facebook post.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.