
Isa na namang makabuluhang episode ang natunghayan ng viewers sa fun noontime program na It's Showtime.
Nitong Huwebes, March 12, tatak Pinoy ang naging tema ng game segment na "Laro,Laro, Pick."
Sa "It's Giving" round, pinahulaan ang mga larawan ng mga bagay o konsepto kaugnay sa kultura at pagkakakilanlan ng Pilipinas. Kasama rito ang mga laro, halaman, lugar, pagkain, at marami pang iba.
Isa sa mga pinakita ay ang opisina ng pangulo na ang Malacañan Palace.
Ngunit ang natapatang player na si Rein, walang naisagot sa tanong.
"'Di mo nakikita ang larawan na 'yan? Diyan namamalagi ang pangulo," ani Vice.
"Ay ano....munisipyo?" sagot ng player.
Natawa na lang ang contestant at ang ibang madlang people. Habang si Vice naman ay tila natahimik na lang.
"Easy, easy, easy. Relax," biro ng ibang hosts.
"Saang ginaganap 'yung press con? Saan sila nagmi-meeting?" tanong ulit ni Vice.
Kahit tinutulungan na ng mga host ang player, sumablay pa rin ang kanyang sagot. Ang "Mala-" na hint ay biglang nauwi sa "Malabon."
"Naku, natatawa ka pa. Noong EDSA People Power, nilusob 'yan ng mga Pilipino, 'di ba? At tsaka nasa pera 'yan," sabi ni Vice.
Sa huli, naisagot nang tama ng player ang Malacañang. Nagbigay rin ng payo ang Unkabogable Star na mas unahing aralin at kilalanin ang ating bansang Pilipinas.
Samantala, nagbigay muli ng reaksyon si Vice sa naturang laro online.
Sa kanyang Facebook page, rineshare ng comedian ang pinag-uusapang clip.
"Malacañan po yes oki? oki," aniya.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
Samantala, balikan ang bardagulan moments ng It's Showtime awAAArdings sa gallery na ito: