
Isang regalo ang hatid ni Vice Ganda para sa “Tawag ng Tanghalan” resbaker na si Shanne Gulle.
Sa “Tawag ng Tanghalan: All-Star Grand Resbak” segment ng It's Showtime nitong Huwebes, inawit ni Shanne ang kanta ng international singer na si Mariah Carey na “Forever.” Matapos ito ay nakapanayam siya ng hosts at ibinahagi niyang fan siya ni Mariah.
Tinanong naman ng Unkabogable Star si Shanne kung manonood ba ito sa upcoming concert ng kilalang singer.
“If I may,” sagot ni Shanne. Dagdag na tanong naman ni Vice Ganda, “Sino 'yung super favorite mo na napanood mo na nang live?”
“Wala pa po, Ate Vice kasi po galing po ako sa probinsya. Ngayon lang po ako nakapunta po dito and hindi po ako masyado uma-attend sa mga concert,” ani Shanne.
Dahil dito, tinanong ng komedyante si Shanne kung ano ang mangyayari sa kanya kapag napanood niya nang live si Mariah. Ayon kay Shanne, sa tingin niya ay magiging emosyonal siya habang nagsi-sing-along sa concert dahil hindi niya aakalain na makaka-attend siya nito.
“I want you to be able to experience seeing a Mariah concert. Check the tickets, umorder ka online, ililibre kita,” ani Vice Ganda kay Shanne.
Ayon pa sa actor-TV host, ito ay kanyang regalo kay Shanne. Aniya, “I want you to be happy. Gusto ko maranasan mo 'yung naranasan ko nung nakita ko rin nang personal si Mariah. That was life and I want you to experience the same.”
Dagdag pa ni Vice Ganda, nilibre rin siya noong unang beses niyang napanood si Mariah Carey sa isang concert.
“Noong ako'y bata-bata pa, may mga natutuwa sa akin na nanglilibre sa akin. Madaming mababait na tao na may kaya na nanlilibre sa akin, so I was able to experience their kindness and generosity. Now it's about time I do the same to you,” aniya.
Matatandaan na opisyal na inanunsyo ni Mariah Carey kamakailan na mayroon siyang “The Celebration of Mimi” concert sa iba't ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas. Magaganap ang concert ng American singer-songwriter sa bansa sa SM Mall of Asia Arena sa October 14.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
SAMANTALA, BALIKAN ANG HIGHLIGHTS SA NAGANAP NA MEDIA CONFERENCE PARA SA 'TAWAG NG TANGHALAN ALL-STAR GRAND RESBAK' SA GALLERY NA ITO.