
Maraming kapupulutan ng aral ang It's Showtime viewers sa kuwento ng EXpecial couple na sina Maria at Lance na napanood sa hit segment na "EXpecially For You" ngayong Biyernes ng hapon, July 26.
Ayon sa searcher na si Maria, nagkaroon ng kakulangan sa pagse-share ng problema niya si Lance na nakaapekto sa kanilang relasyon.
Lahad ni Maria sa It's Showtime, “Kasi before po 'di ba nakuwento po niya parang reciprocate 'yung feelings, 'yung energy ganiyan. Tapos habang tumatagal po kasi nag-iiba na parang kapag may problem siya na hindi siya ganung ka-vocal sa akin, tumatakbo na siya sa friends niya instead na sa akin.
“Parang ayaw niya po madamay sa mga problems niya ganun. Tapos, sabi po ko kasi, partner tayo. Dapat kung ano problema mo, problema ko rin.
“Tapos sabi niya, ayoko kitang madamay, huwag mo ako isipin. 'Wag mo ako aalalahanin.”
Ayon naman kay Lance, naging takbuhan niya sa tuwing may problema ang mga barkada niya at nabalewala raw niya ang pag-aalala ng former girlfriend.
“Sa family problem po and sa financial. Tapos sa relationship din namin. Parang nararamdaman ko po is may problema na nga siya, parang dadagdag pa ako,” sabi ni Lance.
Pagpapatuloy niya, “Natatakot ako dumagdag sa mga problema niya. Ayoko pong isipin pa ako, lalo na at may problema rin siyang kinakaharap sa buhay. Parang ang ginagawa ko, sino-solve ko siya mag-isa.
“Nung nagkaroon na po ako ng mga problema, parang sa mga tropa ko na po ako dumedepende. Parang nasanay po ako sa tropa ako tatakbo, ganito, ganiyan. So, nabalewala ko po 'yung mga pag-aalala niya sa akin. Yung pag-a-approach niya sa akin na parang kumusta ka, ganito ganiyan.
“Ang lagi ko lang sinasagot, okay lang ako huwag mo ako intindihin.”
Nagbigay naman si Meme Vice ng kaniyang obserbasyon sa nangyari sa EXpecial couple na itinampok nila sa noontime show.
“Okay lang naman sabihin mo okay lang ako o hindi ka mag-share, ang mahirap kasi, hindi mo sine-share, sinasabi mo okay ka lang, pero damang-dama niya yung bigat.”
Dagdag ng Unkabogable Star, “Ang mahirap kasi, 'yung damang-dama niya 'yung bigat tapos hindi niya alam kung saan nanggaling. Hindi niya alam kung paano niya ireresolba. Hindi niya alam kung paano niya haharapin, kasi wala siyang idea at all. Kaya 'yung openness, maganda kasi 'yun.”
“Kahit hindi mo pa nga ipa-solve sa kaniya, at least she knows. At least she knows.”
Pero naiintindihan naman daw ni Meme Vice kung bakit mas gustong sarilihin ni Lance ang mga problema nito dahil maaaring isa itong “coping mechanism” ng binata.
Paliwanag muli ng award-winning host, “Pero dapat mo rin maintindihan kasi may mga tao rin namang lumalayo, lalo na kung may isyu kayong dalawa 'di ba. Yung may mga attachment styles, may mga taong hindi sila lumalayo dahil wala silang gana sa 'yo o ayaw na nila sa 'yo. O hindi ka importante.
“Lumalayo sila kasi yun yung pamamaraan nila para mag-cope, para makapag-focus kasi gulong-gulo na sila.”
RELATED CONTENT: ARTISTAHING 'EXPECIALLY FOR YOU' SEARCHEES