
Mahigit tatlong dekada nang naghahatid ang GMA Public Affairs ng mga makabuluhang balita at dekalibreng programang tumatatak sa buhay ng bawat Pilipino.
Anim na premyado at batikang mga mamamahayag ang nagbahagi kung ano para sa kanila ang ibig sabihin ng “Tatak Public Affairs.”
“Kapag sinabi mong Public Affairs, dapat patas, dapat may puso, dapat totoo, at dapat may ambag sa lipunan,” sabi ng Journalist with a Heart na si Vicky Morales sa “Tatak Public Affairs” plug na inilabas ng GMA Public Affairs sa telebisyon at online nitong December 22.
Para sa tinaguriang Kumare ng Bayan na si Susan Enriquez, dapat ilahad ang tunay na mga kuwento ng bawat taong nakakapanayam.
Aniya, “Kahit ano pa 'yung istorya, handa mong ilahad ang totoong kuwento ng mga taong makakausap mo. 'Nandito po ako, ready ako makinig.'”
Samantala, ang hindi pag-atras sa mga pagsubok ng bawat kuwento ay ang kahulugan ng “Tatak Public Affairs” para kina Wildlife Warriors Doc Ferds Recio at Doc Nielsen Donato.
“Ang Tatak GMA Public Affairs, hindi umuurong sa mga hamon ng mga istorya. Umaakyat kami ng bundok, sumisisid kami sa ilalim ng dagat,” ani Doc Ferds.
Dagdag naman ni Doc Nielsen, “We are raw. Kung ano ang sinabi ng kalikasan, iyon ang ikukuwento namin.”
Naniniwala naman si Emil Sumangil, ang Mr. Exclusive, na sandigan din ng mga Pilipino ang mga kuwento na kanilang ibinabahagi.
“Ang taumbayan ang nakikinabang sa klase ng istorya na puwedeng gawin sandigan ng Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na buhay,” pagbabahagi niya.
Ayon naman sa The Explorer na si Kuya Kim Atienza, ang Tatak Public Affairs ay para sa lahat ng mga mamamayang Pilipino.
Aniya, “My vocation on TV is to give information in the easiest way that the kids and adults can understand. Kapag Tatak Public Affairs, abot lahat.”
Panoorin ang buong “Tatak Public Affairs” video sa ibaba.