
Isang video ang ibinahagi ni Kapuso actor at dancer Mark Herras sa kanyang Instagram account.
Makikita rito si Mark na nakatayo sa balkonahe at naninigarilyo.
May mga kuha rin siya habang nagbibihis sa kwarto at naglalakad nang naka-hoodie habang muling naninigarilyo.
Makikita rin sa video na umiiyak si Mark na mistulang sa loob ng banyo.
Ginamit niyang background music ang "Kamusta" na awit ni Pinoy rapper by Shanti Dope featuring Flow G.
"Kulong sa Sistema…," sulat niya sa caption ng kanyang post na isang linya mula sa nasabing kanta.
Hindi nagbigay si Mark ng konteksto sa video kaya ikinabahala ng kanyang celebrity friends ang post.
"One day at a time brother. Ikaw una produkto ng starstruck, wag kalimutan, dream, believe, survive. Tawag ka lang sakin kung kailangan mo ng kausap," sulat ni Rocco Nacino na produkto rin ng reality artista search na Starstruck.
Bumuhos ang mga mensahe ng suporta ng mga kaibigan ni Mark sa industriya, kabilang sina Rochelle Pangilinan, Sheena Halili, Kris Bernal, Rodjun Cruz, Pepita Curtis, Mark Baustista, Brent Valdez, Michael John Flores, at marami pang iba.
Naging bukas noon si Mark tungkol sa mga personal niyang pinagdadaanan.
Minsan na niyang inamin na nagkaroon siya ng emotional at mental struggles matapos ang pagpanaw ng kanyang mga magulang.
Hindi rin niya ikinaila ang pagsayaw sa isang gay bar dahil sa kakulangan ng mga proyekto sa telebisyon.
Noong nakaraang taon, pumasok sa pagnenegosyo si Mark at nag-franchise ng isang meat business.
Nag-expand ito kamakailan at nagbebenta na rin ng seafood.