
Malapit nang mapanood ang bagong handog ng GMA Afternoon Prime na Cruz vs. Cruz.
Ang naturang serye ay pagbibidahan nina Vina Morales, Gladys Reyes, at Neil Ryan Sese.
Sa interview ng GMANetwork.com sa naganap na pictorial ng serye, ikinuwento ng lead stars kung ano ang mga naging paghahanda nila para sa kanilang mga karakter.
Ayon kay Vina, nag-focus siya sa kanyang role na si Felma at malaking tulong ang paggabay ng direktor na si Gil Tejada Jr.
“Well unang-una, my character, I had to really focus on that, kung ano ba talaga 'yung character ni Felma Cruz. But of course, with the help of Director Gil, siyempre nagagampanan namin nang mas maganda pa. Mas nabibigyan namin ng puso, ng emosyon bawat eksena,” pagbabahagi niya.
Kwento naman ni Gladys, na gaganap bilang Hazel, binabasa niya ang buong script upang maintindihan ang karakter at para malaman kung ano'ng atake ang ibibigay sa mga eksena.
“Babasahin mo talaga the entire script kasi ako naman ganon. Sa bahay, pagbigay sa akin, na-e-excite talaga ako kagaad. Old school pa rin ako, gusto ko 'yung hard copy na script,” aniya.
Dagdag pa niya, “At hindi ko ini-iskip 'yung bawat scene, lahat 'yon babasahin ko from sequence one hanggang last. Hindi lang 'yung sa character ko, hindi lang 'yung sa eksena ko kasi gusto ko maintindihan kung saan nanggagaling. Saan galing yung emosyon, saan galing itong eksenang ito, ano dapat 'yung emosyon ko dito, ano dapat yung eksenang 'to, kaya lahat babasahin ko muna. Then afterwards, kapag naintindihan ko na lahat, tsaka ako magko-concentrate doon sa mga bawat eksena.”
Ayon naman kay Neil, na gaganap bilang Manuel, bukod sa pagkabisado ng lines ay importante rin ang pag-a-analyze ng karakter.
“Aalamin mo 'yung kwento, aalamin mo 'yung takbo istorya, kung anong mangyayari sa bawat character. At ang pinakaimportante 'yung character analysis. Siyempre aaralin mo 'yung character ni Manuel, ano 'yung background story niya,” saad niya.
Abangan ang Cruz vs. Cruz sa July 21 sa GMA Afternoon Prime.
RELATED GALLERY: The cast of 'Cruz vs. Cruz' stuns in blue at the GMA Afternoon Prime Grand Media Day