
Tila naging mailap ang pag-ibig kay Cruz vs. Cruz star Vina Morales noong matapos ang relasyon niya sa dating American boyfriend na si Andrew Kovalcin. Kaya naman, ngayong 2026, isa kaya ito sa mga prayoridad niya?
“Well, it's always been my priority! No, actually, in God's time, I always believe na kung meron talaga, dadating 'yan, e,” sabi ni Vina sa Fast Talk with Boy Abunda nito lamang Martes.
Ngunit ayon sa aktres, “Kaya lang, hanggang ngayon, Tito Boy, wala pa rin. I mean, meron naman, mga nagpaparamdam, but ayoko kasi i-waste 'yung time ko na pag naramdaman ko na 'Ay, may kulang.' Parang 'wag ko na lang ipilit.”
Saad pa ni Vina, mararamdaman naman niya umano kung nakita na niya ang tao na para sa kaniya. Ngunit sa ngayon, wala pa siyang nararamdaman na ganoon.
BALIKAN ANG KWENTO NI VINA NG ISA SA MGA GINAWA NIYA PARA MAGKAROON NG BOYFRIEND SA GALLERY NA ITO:
Hindi naman nag-atubili ang co-stars niyang sina Gladys Reyes at Neil Ryan Sese na magbigay ng payo. Ang sabi ng huli, “'Wag kang magmadali, darating naman 'yan e.”
Pagbabahagi ni Neil, sa set ay very vocal si Vina sa kagustuhan niyang makita na ang kaniyang magiging partner. Tinatanong pa umano ng aktor ang kapareha kung gusto nitong ikasal, na sinasagot naman ni Vina ng “Oo, gusto ko.”
“Ang hirap e, very maganda, very successful, intimidating para sa lalaki na manligaw sa isang kagaya ni Vina Morales,” sabi ni Neil.
Kaya naman, payo ni King of Talk Boy Abunda, intayin lang ng singer-actress ang tamang lalaki na hindi maiintimidate sa kaniya.
Tanong pa ng batikang host sa aktres, “Maghihintay ka ba?”
Sabi ni Vina, “Maghihintay ako. Hindi searching, waiting pala. In God's time, I know naman.”
Ngunit paalala ni Boy, kailangan din kumilos ni Vina para mahanap ang kaniyang the one.
Pinanatag naman ni Gladys ang loob ni Vina sa pagsabi na malalaman nitong nahanap na niya ang tamang tao para sa kaniya.
“Kasi kung papaanong 14 pa lang ako nu'n at 12 pa lang si Christopher, I already knew, 'This is the one for me.' I don't know, it's too good to be true, pero ganu'n, e. Mararamdaman mo talaga,” sabi ni Gladys.
Sinang-ayunan din niya ang sinabi ng co-actress na hindi dapat ipilit ang pagmamahal dahil mas lalong sayang ang panahon at oras kung sa maling tao ito ibabaling.
“Hindi naman you'll wait for the right person, pero you'll wait for the right feeling,” sabi ni Gladys.
Patuloy na subaybayan ang huling linggo ng Cruz vs. Cruz, 3:20 p.m., at sa oras na 2:30 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
Panoorin ang panayam kay Vina, Gladys, at Neil dito: