
Aminado ang nagbabalik Kapuso actress at singer na si Vina Morales na hindi naging madali ang pinagdaanan niya bilang isang single mom. Kaya naman grateful siya sa kaniyang pamilya at mga kaibigan na laging nandiyaan para suportahan siya.
Matatandaan na nagkaroon ng anak na babae si Vina sa dating partner niya na si Cedric Lee, si Ceana, noong 2009.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, February 17, ay kinamusta ni King of Talk Boy Abunda ang naging karanasan ni Vina Morales bilang isang single mom.
“Napakahirap kasi wala kang kadamay sa pagpapalaki, well, financially as well,” sabi ng Cruz VS Cruz star.
Pagpapatuloy ni Vina, grateful siya sa kaniyang pamilya na hanggang ngayon ay nariyan pa rin para suportahan siya. Kuwento pa ng singer-actress, naiiwan niya si Ceana sa kaniyang pamilya kapag kailangan niyang umalis abroad para magtrabaho, o kaya naman ay may taping.
“But it was really tough as a mom kasi I'm a working mom. Siyempre kaya ako nagtatrabaho, for her future,” sabi ng aktres.
Malaki rin ang pasasalamat ni Vina na napalaki niya ang anak na mabait, marespeto, at responsable. Aniya, hindi naman siya nito binigyan ng problema.
“I always tell her to always respect people, to be kind, and 'yun 'yung nakikita ko sa kaniya. Marespetong tao, and I always tell her, 'Anak, whatever I have, I'm working so hard for you that's why whatever you're doing, let's say sa school, you have to really do well. And she's really doing well, minsan first honor siya. Minsan nagse-second honor,” saad ng aktres.
KILALANIN ANG ILAN SA MGA SUCCESSFUL SINGLE PARENTS NG SHOWBIZ SA GALLERY NA ITO:
Nang tanungin naman ng batikang host kung nakikita ba ni Vina Morales na may hilig sa pag-aartista ang anak, sinabi niyang “Feeling ko may possibility, pero as of now, parang nandu'n pa rin 'yung hiya.
“Nakikita ko, very expressive ng face ng anak ko e, especially her eyes. Talagang minsan, kapag tinititigan ako niyan, pag naglalambing na, oh my God, ito na, 'yung puso ko, nagme-melt na kaagad,” pagbabahagi ng aktres.
Sa relasyon naman ni Ceanna sa amang si Cedric, sinabi ni Vina na meron silang relasyon at sa katunayan, ay nagkikita pa sila.
“Karapatan niya 'yun and karapatan din ni Cedric na makasama 'yung anak niya. Actually, this Sunday, she will be visiting her dad so I allow that para magkaroon naman sila ng relationship,” saad ng aktres.