
Malaking parte ng tagumpay ng two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo at bronze medalists na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas ang kanilang diet.
Sa katunayan, kasama nila at ng iba pang atletang Pinoy na lumaban sa Paris 2024 Olympics na lumipad papuntang France ang nutritionist-dietitian ng Team Philippines na si Jeaneth Aro para bantayan ang kanilang mga kinakain doon.
RELATED CONTENT: Carlos Yulo's post-Olympics homecoming highlights
Sa nutrition program ni Caloy, carbohydrates ang naging focus upang mapanatli ang kanyang energy.
Bahagi ni Jeaneth sa panayam ng Unang Hirit, "Ang program kasi ni Caloy is timed nutrition siya tapos yung carbohydrates n'ya naka-portion s'ya based sa ginagawa n'yang activity."
Napag-usapan ang isang post ng nutrition coach kung saan nakunan ang plato ni Caloy na punong-puno ng kanin.
Paliwanag ni Coach Jeaneth na nutritionist-dietitian din ni Tokyo 2020 Olympics gold medalist Hidilyn Diaz, "'Yung meal (ni Caloy) kaya mukhang marami 'yung rice, specifically designed to give him fuel for the upcoming activity. Pero hindi sa lahat ng meals n'ya, gan'on kadaming rice 'yung kinakain n'ya so very specific talaga 'yung portions ng meals na binibigay ko kay Caloy. Depende do'n sa activities na gagawin n'ya for the day and also do'n sa timing in between the meal and the actual training or competition n'ya. So it varies talaga."
Kung "kanin is life"" para kay Caloy, iba-iba raw ang disiplina para sa ibang atleta.
"For example for our other Olympic medalists na sina Nesthy and si Aira na hina-handle ko rin, so syempre meron silang weight na mine-maintain naman so every single competition day, kailangan nila mag-weigh in. 'Di sila pwedeng kumain ng gano'ng karaming kanin prior to the actual weigh in. So iba-iba rin po yung amount ng rice or ng carbohydrates na binibigay ko sa kanila, dependa sa sport kung saan sila naglalaro."
Nasa 1,800 hanggang 2,500 ang calorie intake requirement ni Caloy kada araw.
Sa Olympic village, nakakatakam ang breakfast spread. Paano kaya nababantayan ni Coach Jeaneth ang food intake ng mga atlleta?
Sagot niya, "Actually alam na nila 'yung gagawin nila kasi itong athtletes na hinandle ko for Olympics. Actually sa lahat naman ng Olympics cycle na hinandle ko, medyo long term 'yung approach ko pagdating sa pagkakagawa ng nutrition program sa kanila.
"So pagdumating kami sa point na maraming food or maraming options or pagpipilian, alam na nila 'yung gagawin nila kasi na-train na sila e. Kumbaga andon na lang ako to supervise 'yung mga fine tuning ng food intake nila para mas maging optimum 'yung performance nila pagdating sa actual competition."
Bilang sikat ang Paris sa kanilang pastries, nag-viral sa social media ang chocolate muffin na inihain sa Olympic village. Healthy nga ba ito?
Mabilis na tugon ni Coach Jeaneth, "Hindi s'ya healthy kasi mataas talaga 'yung fat contents ng muffin pero yes masarap s'ya."
Patuloy niya, "Actually, do'n nga sa post na ginawa ko, ginawa ko s'yang joke. Nilagay ko 'yuck' para 'di nila kainin pero it was a joke pero masarap talaga 'yung muffin, very moist, matamis s'ya pero may ilang athlete kasi who spend so much calories kaya pwede silang kumain ng muffins. Pwede mag-fit 'yung muffin na 'yon sa diet nila but not for our lighter weight class athletes, it would be very difficult for them to maintain weight if they would eat that."
Honored naman ang nutritionist-dietitian na naging bahagi siya ng tagumpay ng mga atletang Pinoy na nagwagi sa Olympics.
Sa ngayon, break muna sa strict diet ang Team Philippines na magka-qualify sa susunod na Olympic games na gaganapin sa Los Angeles sa 2028 pero may mga nakaplano na raw silang nutrition program para sa mga ito.
Panoorin ang buong panayam sa video sa ibaba.