
Viral sa social media ang audition ng mga kabataan para sa taunang Senakulo ng St. John Bosco Parish sa Tondo, Manila.
May 150K views at 2K shares na ang video na mapapanood sa Facebook page na @stjohnboscotondosenakulo.
Kahit taumbayan lang ang role, pang-standing ovation naman ang acting ng 12-year-old na si Alvin "Mayo" Relenas.
"Bata tayo, kailangan marunong din tayo umarte. Kung ano po nabigay sa iyo ng direktor, kayanin mo rin po," pahayag niya.
Taong sinapian ng masamang espirito naman ang gustong role na makuha ni Ernesto Cayetano. Para sa kanya, magandang activity para sa mga kabataan ang pagsali sa mga ganitong pagtatanghal.
"Kasi marami pong nanghuhusga samin na wala na daw po kaming magandang naidudulot. Sa pamamagitan po ng pag-arte, ng pagsayaw, ng pagsali sa Senakulo, gagawin po namin, kakayanin po namin lahat. Ibibigay po namin lahat ng best po namin," aniya.
Talaga daw inaabangan ng mga taga-Tondo ang senakulo ng St. John Bosco Parish.
Ngayong taon, nasa PhP 200,000 ang budget nito na gagamitin para sa special effects at sa 100 taong cast.
"Mayroon kaming special effects. Dito sa tondo, napansin namin talagang ang daming talent kaya dinevelop namin nang husto. Bukod dito, gusto naming maging makabuluhan para sa mga tao ang senakulo," paliwanag ni Fr. Gaudencio Carandang, Jr.
Panoorin ang buong ulat ni Oscar Oida para sa State of the Nation: