
Si Marijul Aboc ng Agusan del Norte ay maagang nawalay sa mga magulang.
Ngunit hindi ito naging hadlang sa kanyang pagsisikap na maabot ang kanyang pangarap.
Sa murang edad ni Marijul, nais na niya umanong pasukin ang mundo ng showbiz kaya siya nag-audition sa StarStruck.
Aniya, "Sumali po ako sa StarStruck dahil po simula pa lang po ng pagkabata ko po gusto ko na pong maging artista."
Kuwento ni Marijul, hindi niya na halos nakilala ang kaniyang mga magulang dahil maaga pa lamang ay nawala na ang mga ito sa kanilang buhay.
"Three years old pa lang po ako, namatay po 'yung mama ko. Tatlo kaming magkakapatid, ako 'yung panganay.
'Yung papa ko po, nagkasala raw po 'yun sa lugar namin kaya ayun lumayas. Hanggang ngayon hindi ko po alam kung nasaan siya.
“Kahit nga po picture ng mama at papa ko, wala po. Wala po akong kaalam alam sa hitsura nila."
Hindi lamang ang pangarap ni Marijul ang kanyang tutuparin sa kanyang pagsali sa StarStruck.
Sakali mang papalarin si Marijul sa reality-based artista search ay tutulungan niya umano ang tumayong mga magulang niya.
"Para matulungan po ang pamilya ko lalong lalo na po 'yung mga tumayong magulang ko."