
Naging emosyonal si Arnel Cowley nang salubungin ang labi ng kanyang asawa na si Isabel Granada.
Kaninang umaga ay dumating na sa Maynila ang labi ng aktres mula sa Doha, Qatar. Sabado ng gabi noong November 4 yumao si Isabel matapos ma-comatose dahil sa brain aneurysm.
Mapapanood sa Instagram post ni Cata Tibayan ang naging makabagbag-damdaming tagpo ng salubungin ni Arnel ang kanyang asawa.
Ani Cata, “Naiiyak at hindi pa tanggap ni Arnel Cowley ang pagpanaw ng kanyang misis na si Isabel Granada. Sa interview namin kay Arnel, sinabi nito na umaasa pa sana sila noon ni Isabel na magkaanak sila knowing that they celebrated their anniversary together.”
Nauna nang ibinahagi ng kaibigan at dating ka-love team ni Isabel ang schedule ng lamay at libing ng aktres. Magkakaroon raw ng public viewing simula Biyernes, November 10, samantalang ang cremation ng mga labi ni Isabel ay magaganap sa Linggo, November 12.