
Nasunog ang bahay ni Freddie Aguilar pasado 11 p.m. kagabi, January 2 sa Brgy. North Fairview sa Quezon City. Walang nasaktan sa pangyayari pero nasunog ang mga original records at awards ng Pinoy music icon na tinaguriang “priceless.”
Kinumpirma ito ni Ka Freddie sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Hirit, “At least walang nasaktan kaya lang ‘yung mga gamit namin, talagang natupok, pati na ‘yung mga original record and all my awards. Lahat, everything, walang natira, talagang natupok. ‘Yung mga gitara ko na collection ko for so many years, nangitim lahat. [Ang] Bayan Ko, Anak, Magdalena, Katarungan, Kamusta Ka, Ipaglalaban Ko [ay] sunog lahat.”
Ang anak ni Ka Freddie na si Jeriko Aguilar ang unang nakapansin ng sunod-sunod na putok na nanggagaling sa kanilang tahanan, “Gumigitara ako noon tapos mamaya parang akala ko may nagrarambol [pero] may pumuputok na pala. Nakita ko na lang ‘yung ceiling [ay] umaapoy hanggang doon sa hagdanan namin.”
Inalerto ni Jeriko ang mga kasamahan sa bahay, pati na ang isang buwang buntis na asawa ng kanyang ama na si Jovie Aguilar na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Kuwento ni Mrs. Aguilar, “Ang kapitbahay namin diyan nagdala siya ng hagdan [pero] mababa nga lang ‘yung hagdan. Pagtawid ko doon, hindi pa rin abot ‘yung hagdan so tumalon na lang ako ta’s tumalon ulit kami dito pababa.”
Overloading sa kuryente at leak sa kisame ang mga tinitingnang dahilan ng Bureau of Fire Protection sa pagkasunog ng bahay ng mga Aguilar.
Video courtesy of GMA News