
Pumanaw si Blakdyak sa edad na 46.
Wala nang buhay, may plastic sa ulo at hubo’t hubad ang singer-comedian na si Blakdyak, o Joey Formaran sa totoong buhay, nang matagpuan sa loob ng kanyang condominium unit sa Sampaloc, Maynila, 6 P.M. nitong Lunes, November 21.
Kasama ni Blakdyak sa kanilang bahay ang kanyang anak na si Tommy na siya ring nakakita sa sinapit ng kanyang ama.
Pagsalaysay ni Sr. Insp. Pidencio Saballo, Jr., chief investigator mula MPD station 4, “Nagtataka siya (Tommy) kasi hindi nagbubukas ‘yung kuwarto ng tatay niya. Umikot po siya dito sa likod, binuksan niya ‘yung bintana. So patay din po ‘yung ilaw, nag-flashlight siya.”
Base rin daw sa paunang imbestigasyon ay walang nangyaring foul play dahil mag-isa lamang si Blakdyak sa kanyang kuwarto.
“Sa ngayon po nag-imbestiga po kami, sabi nung guwardya, wala naman pong nakakapasok na ibang tao kasi lahat po doon, inila-log nila,” patuloy ni Sr. Insp. Saballo, Jr.
Ayon naman sa guwardya na si Esteban Rubiado, napansin niyang tila aligaga si Blakdyak noong Linggo ng gabi.
Wika nito, “Medyo parang naiinip siya. Labas-labas siya, pasok, labas, ganun. Tapos nung lumabas siya, bigla siyang pumasok, umakyat siya doon sa roof top. Ang ginawa ko, sinundan ko siya, pinababa ko. Sabi ko, ‘’Yung mga katabi niyong room, sarado na, Sir. Puwede po ba bumaba na po kayo?’ Bumaba naman siya.”
Nagsara na raw ng pinto si Blakdyak ng 2:30 A.M., at hindi na nila muling nakita hanggang kagabi. Ipinagising lamang ito ni Twinkle Formaran, asawa ni Blakdyak, sa kanilang anak noong Lunes ng gabi dahil may gig ito dapat.
Kuwento ni Twinkle, “Sabi ko, ‘Puntahan mo nga kasi may gig ‘yun, baka mamaya hindi na naman magising.’ Oo, ‘yun pinuntahan. 'Pag punta, ‘yun na nga, ganun na nga. Sabi ko, masamang biro naman ‘yan. Sinabi nga ng anak ko. Sabi ko, ‘Hu, nagbibiro na naman ‘yang daddy mo.’ Sabi ko pero hindi naman nagjo-joke sa akin ng ganyan ‘yan. Parang kinabahan ako na hindi ko na maintindihan... Tapos ‘yun nga nung tumawag ulit ‘yung.. ‘Mommy, patay na daw si daddy.’”
Hindi pa matanggap ng misis ni Blakdyak ang nangyari. Maliban sa palabiro, malambing at maalalahanin daw ang kanyang mister. Wala raw sila naging problemang mag-asawa.
Ayon kay Twinkle, gumamit daw noon ng ipinagbabawal na gamot si Blakdyak ngunit matagal na itong tumigil. Pinasikat ng singer-comedian ang mga kantang "Good Boy" at "Stupid Love."
Pumanaw si Blakdyak sa edad na 46.
READ: Celebrities, nalungkot sa pagkawala ni Blakdyak
Video courtesy of GMA News