
Ang dating walang permanenteng bahay, ngayon ay milyonaryo na. Paano nga ba umasenso ang noo'y carwash boy na si Edmar?
Makalipas ang 16 na taon, naghuhugas pa rin ng sasakyan si Edmar. Ngunit ngayon, ang mga nililinis na niyang sasakyan, pagmamay-ari niya na. Mayroon na rin siyang dalawang bahay, isang paupahang apartment, isang condo unit at isang three-storey building.
Kuwento niya sa Kapuso Mo, Jessica Soho, laki siya sa hirap at produkto pa ng broken family. Aniya, “Lahat siguro ng paghihirap ng isang anak na walang tatay at separated ang mga magulang, pinagdaanan ko.”
Nagtrabaho bilang tindero ng gulay, parking boy, tagabantay ng computer shop, hanggang sa maging carwash boy si Edmar.
Nakipagsapalaran din si Edmar sa Macau, kung saan naghanap siya ng trabaho ngunit hindi siya pinalad. “Iyak lang ako nang iyak kasi ayoko ma-disappoint sa akin ‘yung nanay ko ‘eh.”
Umuwi mang luhaan si Edmar, naging stock man naman siya sa isang mall at nakapag-aral sa TESDA. Ang naipon niya mula sa dating trabaho at allowance na bigay ng TESDA, ipinantayo niya ng kauna-unahan niyang food cart.Pumatok ang kaniyang business, at dito na siya unti-unting umasenso.
Kuwento niya, “Lahat ng mga pinagdadaanan nilang hirap o mga struggles sa buhay, ‘wag nilang dibdibin. Lahat ng mga tao na ang tingin sa akin is ang liit, na walang pag-asa, na hanggang diyan ka na lang, na wala kang mararating, 'yang mga salitang yan 'yung naging motivation kung paano ko pinaasa ‘yung sarili ko.”
Ngunit, ang nakaraan ni Edmar at mapait na alaala mula sa hindi mabuo-buo na pamilya, hindi pa rin maalis sa isip ni Edmar kahit anong yaman ang kaniyang tinatamasa.
Mabuo pa kaya ang pamilya ni Edmar? Panoorin ang kaniyang inspiring at nakaantig na story ni Edmar sa KMJS: