
Bukod sa kanilang nakaka-LSS na mga kanta, kapansin pansin din ang mga kakaibang pangalan ng mga miyembro ng Pinoy rap group na Ex Battalion.
Sa kanilang pagbisita sa programang Tonight With Arnold Clavio, ipinaliwanag nila ang mga kuwento sa likod ng kanilang mga stage names.
"Jejemon lang ako dati," natatawang panimula ni Mark Maglasang na kilala sa pangalang Bosx1ne.
"Kasi nagsimula po sa mga clan clan tapos naging rapper ako. Ewan ko kung bakit naging rapper ako! Tapos nakilala ng mga tao, 'yun pinanindigan ko na lang 'yung Bosx1ne," pagpapatuloy niya.
Inspired naman ng pangalan ng iba pang rapper ang stage name ni Daryl Borja Ruiz o Skusta Clee.
"Actually wala naman po talagang meaning 'yun. Tunog hip hop lang kaya sabi ko, 'Uy Skusta Clee!' kasi 'yung iba po sina Wiz Khalifa, Waka Flocka Flame," aniya.
Rap style naman niya ang pinaghanguan ni Archie dela Cruz para sa kanyang stage name na Flow-G.
"Sa akin naman po kasi as rapper dapat meron kang mga flow—iba ibang flow, kung ano anong way ng pagra-rap mo. 'Tsaka may idol ako noon na magaling mag-flow kaya kinuha ko 'yung flow niya. Tapos 'yung G, kapag sa kalsada ka siyempre batian kayo. Kunyari nakasalubong, 'Uy G! Kamusta ka, G?" kuwento niya.
Elemento naman ng old skool hip hop ang ugat ng stage name ni Rhenn Mangabang na Emcee Rhenn.
"'Yun po kasi 'yung sa elements ng hip hop. 'Yung MC po, 'yun 'yung code ng rapper," kuwento niya.
"At wala po akong kinalaman doon! Siya po ang may kasalanan noon. Siya po nakaisip nun eh," pagtukoy niya sa isa pang Ex Battalion member na si James Brando.
Paboritong hayop naman niya ang basehan ng pangalan ni King Badger o Jon Gutierrez sa tunay na buhay.
"'Yung badger po, favorite animal ko po 'yun. Ang sagwa naman po kung favorite insect eh. King Ipis? Ang pangit!" biro niya.
"And then I have my own crown, so king," pagtukoy niya sa kanyang hairstyle.
Simple lang din ang inspirasyon ng stage name ni James Brando o James Samonte sa tunay na buhay.
"Wala lang. 'Yung Brando kasi parang lakas maka-kontrabida," matipid niyang sagot.
Bukod sa kanilang mga stage names, nag-open up din ang grupo tungkol sa relationship nila sa kanilang manager na si Comedy Concert Queen Aiai Delas Alas.
"Siya po 'yung tumatayong mommy namin. Kung paano po pagalitan ng nanay ang kaniyang anak ay ganun din po sa amin," ani Skusta Clee.
"May nadagdag po kami sa kanya—puting buhok po," pabirong dagdag ni Flow-G.
Panoorin bahagi ng kanilang panayam sa Tonight With Arnold Clavio:
Video courtesy of GMA Public Affairs