
Napanood ang kanyang iniidolong Big Bang member at nakapunta sa taping ng ilang K-Drama series. Ilan lang ito sa naging highlight ng recent trip ni Glaiza de Castro sa South Korea.
Ayon sa 24 Oras, nagte-taping pa lang daw ng Encantadia ay pinaghahandaan na ni Glaiza ang kanyang bakasyon sa South Korea. At matapos ang successful run ng Kapuso telefantasya ay nangibang-bansa na ang aktres na certified K-Pop fan.
Highlight daw ng trip ni Glaiza ang panonood ng concert ni G Dragon.
Aniya, “Matagal ko na siyang gustong mapanood talaga. Isa siya sa mga paborito kong members ng Big Bang eh.”
“Nakapanood po kami ng shooting ng My Father Is Strange. Nagpunta rin po kami sa NBC studios kung saan maraming mga favorite dramas ko doon pino-produce,” dagdag din niya.
Ipinakilala si Glaiza bilang isang artista sa mga Korean talents ng kasama nilang manager doon.
Kuwento niya, “Ipinakita din namin ‘yung Encantadia sa kanila, tapos ayun natutuwa naman sila na nakikita nila ‘yung mga warrior costumes, ‘yung mga fight scenes, ‘yung mga drama scenes.”
Ngayong nakabalik na sa bansa si Glaiza, sasabak na raw siya agad sa trabaho. Una na rito ay ang promotion ng kanyang album na ‘Magandang Simulain.’
Video from GMA News