
Umabot ng halos 20 minuto ang vlog ni Jon Gutierrez, kilala rin bilang si King Badger na miyembro ng Ex-Battalion nang dahil sa hiling ng kanyang inang bumalik siya sa United Kingdom (UK) upang makapag-isip tungkol sa kanilang relasyon Jelai Andres.. Maaalalang nitong March 2021 ay pumutok ang balitang diumano'y muling nagtaksil si Jon.
Kasalukuyang nakatira sa UK ang ina ni Jon kung saan minsan din siyang nanirahan at nagtrabaho. Tinawagan daw niya ang rapper-turned-actor upang paalalahanan ito tungkol sa kanyang buhay-may-asawa at pakiusapang bumalik muna abroad.
Nalulungkot ang ina ni Jon dahil sa kinahinatnan ng kanilang pagpapakasal ni Jelai.
Wika niya, “Sa umpisa pa lang kasi sinasabihan na kita. Bago ka umuwi diyan, sinabihan na kita. Hindi kita pinag-aral, hindi kita pinalaki na para magkaganyan ka lang diyan. Ikaw ang nagdesisyon. Nagdesisyon ka. Sinabi ko sa'yo na hindi pa muna. Kayo ang nagdesisyon na mag-aasawa kayo, na magpapakasal kayo. Dinesisyunan n'yo. Na ako mismo na nanay mo, alam ko 'yun na hindi mo pa kaya.
“Tingnan mo 'yung ginawa mo. Nakakasakit ka ng tao. Mali 'yang ginawa mo. Kahit hindi mo sabihin sa akin ang lahat pero nanakit ka ng tao. Hindi biro-biro ang pagpapakasal kasi. Pinag-iisipan 'yun nang maraming beses. Pero anong ginawa mo? Sa umpisa palang sinabihan na kita. Lumayo ka sa akin para mag-asawa ka. Umalis ka dito, iniwanan mo ako. Ikaw ang nagdesisyon. Desisyon mo 'yan, hindi kita mapigilan. Gusto mo mag-asawa, gusto mo bumuo ng sarili mong pamilya, pero ikaw din ang sumisira ng pamilya mo.”
Tuluyan na ring naiyak ang ina ni Jon na paulit-ulit na sinabing sa UK muna manatili ang kanyang anak upang makapag-isip at ayusin ang mga pagkakamali sa buhay. Inisa-isa rin niya ang kanyang hiling na makitang malagay sa tahimik si Jon kasama ang sarili nitong pamilya at makahanap ng stability kahit pa sa labas ng showbiz.
Dagdag din niya ay sana hindi na rin dalhin nina Jon at Jelai ang kanilang gulo sa social media at ayusin ito nang pribado. Nasasaktan daw itong nakakarating ang ganitong balita sa kanya kahit hindi siya nagbabasa dahil nakikita raw ito ng ibang tao.
Aniya, “Dapat kayong dalawa nagtutulungan sa isa't isa. Anong nangyayari ngayon? Kayo ang nagsisiraan pareho. Pareho kayong nagsisiraan sa isa't isa. Ine-expose n'yo pa sa lahat ng tao, sa maraming tao. Ine-expose n'yo pa sa maraming tao. Na pwede n'yo namang ayusing dalawa, na dati naman ginagawa n'yo.”
Inako naman ni Jon ang kanyang pagkakamali at pagkukulang.
Wika ng aktor, “Napuno na rin siguro. Ang daming beses ko na ring sinasaktan eh. Siyempre, hindi mo rin naman masisisi 'yung tao kasi ang lala ko na eh. It's me. It's my fault. Wala siyang kasalanan doon. Napupuno naman lahat ng tao eh.”
Makukumbinsi nga ba si Jon na lumipad muna patungong UK? Panoorin ang kabuuan ng kanyang vlog sa video sa itaas.
Samantala, balikan ang pag-iibigan nina Jon at Jelai sa kanilang relationship timeline sa ibaba: