
Sino ba ang hindi makakaalala sa kontrabida na nagpahirap sa buhay ni Camille Prats sa classic movie na ‘Sarah, Ang Munting Prinsesa?’
Kamakailan lang, napanood sa hit Kapuso talkshow na MARS ang mga dating co-stars ni Camille sa pelikula na sina Angelica Pedersen (Lavinia), Kathleen Gokiens (Ermengard), and Ani Pearl Alonzo (Lottie) para sa kanyang special birthday episode.
Si Angelica Pedersen ngayon ay isang mommy na din. Nagkuwento siya sa MARS ng isa sa mga pinaka memorable scenes niya sa kasama si Camille Prats sa movie.
Wika niya, “Cams naalala mo [shows picture of a bucket full of water]. Siyempre kahoy ito noon, very-very memorable sa akin ‘yung scene na naglilinis siya ng stairs tapos dahan-dahan ko tinapon ‘yung tubig. So pag-akyat ni Ms. Minchin siyempre napagalitan na naman siya di ba.”
Dagdag pa ni Angelica, sobra daw nilang na-enjoy lahat ang -taping nang naturang pelikula na umabot ng tatlong buwan.
“Ang isang factor din nung time nung ginagawa namin ‘yung Sarah talagang enjoy. Enjoy to the max! Parang walang nag-aaway, walang ganun. To think na mga bata kami. Tapos, pasyal ng pasyal ganyan.”
Hindi din daw niya makakalimutan nang gawin niya ang Sarah, Ang Munting Prinsesa, lalo na ang nabuo nilang samahan.
“Since hindi na ako naging active sa showbusiness, pero lumaki ako na ‘yung memories na yan parang feeling ko until my last breath [maalala ko] at talagang something na babalik-balikan ko talaga at kinukuwento ko sa mga anak ko. Binibigay ko ring example sa kanila sa mga friends nila kung paano sila makisama sa mga tao, sa mga kapwa bata nila ‘yung samahan namin.”