
Isang awit ang inalay ng mga anak ng yumaong King of Pinoy Rap na si Francis Magalona habang ginugunita nila ang kaarawan nito, kahapon October 4.
Inawit ng magkakapatid na sina Maxene, Elmo, at Frank ang hit song na “Kaleidoscope World” sa harap ng puntod ng kanilang ama nang dalawin nila ito kahapon.
Mapapanood sa video na in-upload ni Maxene na ang asawa niyang si Rob Mananquil ang tumutugtog ng gitara habang inaawitan ng magkakapatid ang kanilang yumaong ama.
Pumanaw si Francis M noong March 2009, ilang buwan matapos siyang ma-diagnose na mayroong acute myelogenous leukemia.
Sa Instagram post ni Maxene, makikita na dinalhan din niya ang kanyang pumanaw na ama ng isa sa mga paborito nitong pagkain.
Nag-post din si Maxene ng lumang litrato nila ng kanyang ama. Sinabi niya sa caption nito, “Forever in my heart.”
Bukod kina Maxene, Frank, at Elmo, dumalaw rin ang iba pa nilang mga kapatid na sina Unna, Nicolo, Saab, Arkin, at Clara kasama ang kanilang inang si Pia Magalona.
LOOK: Family remembers Francis M on his birthday