
Ayon kay Direk Real Florido, may isang eksena sa 'Kabisera' si Nora Aunor na "nakakabilib talaga."
Lalong ginanahan si Superstar Nora Aunor nang makita ang nag-uumapaw na suporta mula sa kanyang mga tagahanga na dumalo sa premiere night ng kanyang pelikulang Kabisera.
Aniya sa panayam ng 24 Oras, “Maraming salamat po, at sana po tulungan n'yo kami na maanyayahan ang lahat ng manonood para dito sa Kabisera namin dahil sa talagang kapupulutan ito ng aral lalo na sa pamilya.”
Kung ipinagmamalaki ni Ate Guy ang kanyang mga nakasamang artista sa naturang pelikula, labis din ang paghanga ng direktor at producer sa kanyang ipinamalas na husay sa Metro Manila Film Festival entry na ito.
“Pinaglakad naman siya ng mahabang-mahaba, mula doon sa kuwarto na kinulong siya hanggang pababa. Umuulan ‘yun, and pagtingin niya doon sa ulan meron siyang makikita. Nakakabilib talaga kung paano ginawa ni Ms. Nora Aunor ‘yung eksenang ‘yun,” sambit ni Direk Real Florido.
Nagpa-plano na rin ang producer na si RJ Agustin na muling igawa ng pelikula ang Superstar.
Bahagi niya, “May naisip nga kami ni nanay na magandang project. Nagsu-shoot palang kami may mga naiisip na kami na istorya.”
Sa parehong panayam, tinanong din si RJ kung ano ang kanyang opinyon tungkol sa pagbibigay ng 30% discount sa bayad ticket ng mga manonood na estudyante, senior citizens, at persons with disability.
Wika niya, “Sang-ayon naman ako doon kasi siyempre para mas marami makapanood. Pati ‘yung mga estudyante na alam mo na gusto nilang matuto, manood ng pelikula, ay magkakaroon ng pagkakataon na mapanood lahat.”
Video courtesy of GMA News
MORE ON NORA AUNOR:
WATCH: Nora Aunor, gustong makasama ang mga anak sa Pasko
Celebrity veterans: What did they look like then?