
Sakto sa pardiriwang ng kanyang 67th birthday ngayong araw, May 21, mapapanood si Superstar Nora Aunor sa isang original online na pagtatanghal ng Tanghalang Pilipino.
Tampok siya sa isang "monovlog" o online monologue na pinamagatang Lola Doc.
Kuwento ito ng isang lolang frontliner na kinakausap ang kanyang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng serye ng videos.
"Noong ginagawa ko po ito parang gusto ko nang sumuko. Talagang hirap na hirap po ako talaga. Iba po pala talaga 'yung gumagawa ka ng eksena na wala kang kausap. Para kang loko loko na kinakausap mo, wala," bahagi ni Ate Guy.
Ito ang unang pagkakataon na mapapanood siya sa isang pagtatanghal na ginawa para eksklusibong i-release online.
Ang Lola Doc ang follow up sa Lolo Doc, na pinagbidahan naman ni actor at Tanghalang Pilipino artistic director Nanding Josef.
Isinulat ni Carlos Palanca Memorial Awards for Literature Hall of Famer at multi-awarded playwright Layeta Bucoy ang parehong monovlogs bilang tribute sa COVID-19 frontliners.
Bahagi ito ng PangsamanTanghalan, ang "alternative space" ng Tanghalang Pilipino para magdaos ng mga pagtatanghal habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang ilang bahagi ng bansa.
Panoorin ang isang emosyonal na snippet mula sa Lola Doc ni Nora Aunor dito:
Mapapanood ang Lola Doc ngayong araw, May 21, 6:00 pm sa official YouTube channel ng Tanghalang Pilipino.