
“Hindi siya nagsasabi ng totoo. Sinungaling po siya..." - Nora Aunor
Pinabulaanan ni Superstar Nora Aunor ang pahayag ni Alvin Yapan, direktor ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na 'Oro,' tungkol sa pagpatay ng aso sa naturang pelikula.
Diin ni Direk Alvin sa Senate committee hearing, “Hindi po kami ang pumatay nung aso para lang sa pelikula. Kasi po ako mismo hindi ko kayang pumatay ng aso, ni hindi ko alam kung paano pumatay ng aso.”
Bumuwelta naman dito ang Superstar dahil nabasa raw niya nang detalyado ang script ng 'Oro.' Siya kasi ang naunang napiling pangunahing aktres ng pelikula.
Giit niya, “Hindi siya nagsasabi ng totoo. Sinungaling po siya. Sa script po, ilalagay ‘yung ulo nung aso doon sa sako. Pagkatapos, papaluin ng ilang beses hanggang mamatay. Pagkapalo, 'pag namatay na ‘yung aso, lalaslasin ‘yung bituka.”
Masama rin daw ang kanyang loob dahil hindi raw siya sinabihan ng maayos na tatanggalin na siya sa pelikula dahil sa scheduling conflict. Kasama rin daw dapat nila sa 'Oro' ang kanyang partner na si John Rendez.
“Nung kinakausap niya si John na siya ang papatay doon sa aso, kaharap po ako eh,” patuloy ni Ate Guy.
Nanindigan pa rin si Direk Alvin at sinabing wala sa eksena ang karakter na sana’y gagampanan ni John, o kaya’y mismo sina John at Nora. Nagkataon daw na may namatay na nanonood sa kanilang shoot at kinuhanan lamang nila ang paglalamay rito na may haing azucena, o karne ng aso. Pagpapaliwanag din ni Jane Gonzales, production assistant, na nataranta lamang siya noon kaya’t nasabi niyang kambing ang kinakatay sa pelikula at hindi aso.
Muli niyang paliwanag, “Buong puso at paulit-ulit kami na magpapaumanhin, na ang dami naming na-offend na mga tao at sensibilidad dahil dito sa mga eksenang ipinakita namin dito. Pero, ang paulit-ulit ko din pong sasabihin, kailangan niyo rin pong maintindihan kung saan din ako nagmumula, a hindi ko po ito ginawa upang manggago. Ito po ay isang reaskyon ko sa nangyayari ngayon bilang isang creative artist, bilang isang direktor. Reaksyon ko ito ngayon sa mga nangyari sa lipunan natin na kung papaano ‘yung araw-araw na pagpatay ng tao ay hindi na natin iniinda.
VIOLATIONS
Sa kabila ng paghingi ng paumanhin at pagpapaliwanag ni Direk Alvin at ng kanyan kampo, patuloy pa rin daw ang mga reklamo laban sa kanila kaugnay ng Animal Welfare Act.
Pahayag ni Film Development Council Chair Liza Dino-Seguerra, “With any animal used in a production, a permit should be secured. Doon pa lang is violation na dahil hindi nga naka-secure ng permit
“Alam natin may timing, pero talagang inabangan niyo ‘yung timing na ‘yun. Ni-condone din ninyo kasi nasa script nga ninyo,” wika naman ni Senator Grace Poe, Chairperson ng Senate Public Information Committee.
“Bawal pumatay ng aso. Kahit na sabihin nating tradisyon o kultura, may exemption po ‘yan. Humingi sila ng tawad. Sabi ko, patuloy pa rin ang kaso" bigay-diin ng senadora.
MORE ON ORO:
WATCH: Irma Adlawan, kinuwestiyon ang kapasidad ni FDCP Chair Liza Dino-Seguerra na magsalita para sa MMFF
WATCH: Oro, stripped off Fernando Poe Jr. Memorial award after dog slaughter controversy