
Nagkamali ng akala ang premyadong aktor na si Wendell Ramos nang isipin niyang magiging komedyante ang dating child actress na si Jillian Ward.
Unang nagkatrabaho sina Wendell at Jillian noon sa Jillian: Namamasko Po! noong 2010. Sa kasalukuyan, magkasama sila sa Prima Donnas bilang mag-ama na sina Jaime at Donna Marie.
"Alam mo, I was so surprised kasi parang tiningnan ko siya noong younger siya, akala ko magko-comedy comedy siya kasi bibo siya e," pag-amin ni Wendell.
"So akala ko may konting drama [lang], pero hindi ko siya nakita na actually pwedeng maging future star ng GMA."
Aminado naman si Jillian na noong bata siya ay naglalaro-laro pa siya sa set pero iginiit niya na mas seryoso na siya ngayon sa trabaho.
"Dati po kasi ginagawa ko lang playground 'yung pag-acting, 'yung set," ani Jillian.
"Ngayon po talaga sineseryoso ko na po."
Mapapanood araw-araw ang Prima Donnas sa GMA Afternoon Prima pagkatapos ng Hanggang sa Dulo ng Buhay Ko.