
Unting-unti nang nahi-hit ni Sanya Lopez ang kanyang target, hindi lang sa pag-aartista kung 'di pati na rin sa shooting range.
Target shooting ang napiling bonding ng Kapuso leading lady kasama ang ilan sa kanyang mga tagahanga sa isang exclusive fan meeting. Nagsimula raw ang interest ng aktres nang makahawak siya ng baril sa The Half Sisters.
Excited na sinabi ni Sanya sa panayam ni Cata Tibayan sa Balitanghali, “Gusto ko kasi mag-action so dito ko muna ifi-feel sa shooting range.”
Sa pagwawakas ng kanyang pinagbidahang hit GMA Afternoon Prime soap na Haplos, mami-miss daw ni Sanya ang maiinit niyang mga eksena kasama ang co-star na si Thea Tolentino.
Kuwento niya, “Hindi ko makakalimutan ang sampalan nina Lucille at Angela, ‘yung sabunutan nila at gudguran sa palengke. Lahat-lahat.”
Dahil papalapit na ang summer, saan kaya ang lakad ng Roberto siblings? “Magbabakasyon po ako kasama ko ang aking kapatid (Jak Roberto) sa Coron,” pagtatapos ng aktres.